Abante Tonite Interactive

Mag-asawang matanda hinambalos ng bakal, todas

412

Nagdamot ng mangga

Dahil umano sa pagdadamot sa bunga ng mangga ay brutal na pinatay ng apat na suspek, tatlo sa mga ito ay mag-aama ang mag-asawang senior citizen matapos na hampasin sa ulo ng kahoy na may kadena kamakalawa sa Meycauayan City, Bulacan.

Dead-on-the-spot matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo ang biktimang sina Felix Bernabe, 76-anyos, at asawa nitong si Estelita, 75, kapwa residente ng 129 Little Baguio St., Brgy. Malhacan ng nasabing lungsod.

Arestado naman ang apat na suspek na sina Antonio Delos Santos, 39, Russel Lamsen, 19, at dalawang menor de edad na kapwa 16-anyos, pawang taga-Brgy. Malhacan.

Sa ulat ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), alas-tres nang madaling- araw kamakalawa nang rumesponde ang mga tauhan ng Meycauayan PNP matapos makatanggap ng ulat hinggil sa natagpuang bangkay ng mag-asawang Bernabe sa Little Baguio St., ng nabanggit na barangay.

Isang saksi ang lumutang at itinuro ang apat na suspek at sinabing inabangan ng mga ito na mamalengke ang mga biktima at nang sakay ng traysikel ay pinagpapalo ng kahoy na may kadena.

Agad namang nadakip ang mga suspek at base sa salaysay ng dalawang menor de edad, kaya lang umano nila nagawa ang krimen ay bunga na rin ng galit sa mga biktima dahil tuwing namimitas sila ng mangga na pag-ari ng mga ito ay madalas silang sinisigawan.

Sinabi din ng isang menor de edad na walang kinalaman ang kanyang amang si Delos Santos sa krimen dahil silang tatlo lang umano ang nakapatay sa dalawang matanda. (Edwin Balasa