Abante Tonite Interactive

Mag-asawang may ukay-ukay niratrat

383

Kapwa nasawi ang isang kawani ng Tagui­g City Hall at live-in partner nito matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang kawatan na nanloob sa kanilang tindahang Ukay-Ukay kamakalawa nang gabi sa lungsod.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang mag-live in na sina Marlo Landreza, 54-anyos, empleyado ng Taguig City Hall bilang cook, at Girlie Gacer, 49, kapwa taga-Block 141, Lot 14, Maharlika Road, Barangay Upper Bicutan ng naturang siyudad.

Sa report ni Police Colonel Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-9:10 nang gabi nang maganap ang krimen sa Ukay Ukay and Variety Store, na pag-aari ng mga biktima na matatagpuan sa nabanggit na lugar.

Habang abala ang mag-live in sa kanilang tindahan ay biglang pumasok ang dalawang armadong lalaki at sabay na pinagbabaril ang mga biktima.

Nang kapwa duguang bumulagta ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang mga salarin at tinangay pa ang isang sling bag na pag-aari ni Gacer.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) nakita sa kuha ng CCTV footage na lumapit ang isa sa mga suspek na kinuha pa ang sling bag ng duguang si Gacer. (Armida Rico)