Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mag-ate sumalisi sa grocery, nasakote

0 288

Kapwa binitbit sa kulungan ang magkapatid na nagkutsabahan na ilabas ang mahigit P6,000 halaga ng pinamili sa Kawit, Cavite, Miyerkoles ng hapon.

Kasong paglabag sa Art. 310 at Art. 318 ng RPC (Qualified Theft and Other Deceits) ang kinakaharap ng magkapatid na sina Mariz Santos, 22, cashier ng Malvar Supermarket, at Marry Grace Santos, 27, kapwa residente ng nasabing bayan.

Sa ulat ng Kawit Municipal Police Station, dakong alas-3:28 kamakalawa ng hapon, nang pumasok si Marry Grace sa loob ng Malvar Supermarket sa Barangay Balsahan-Bisita, Binakayan at nagkunwaring mamimili.

Dumampot ng mga grocery item si Marry Grace pero pagdating sa teller ay mangilan-ngilan lang ang in-scan ni Mariz. Pero nahalata ito ni Nelvin Barzaga, duty bagger, dahilan upang ipagbigay-alam niya sa guwardiya ang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa.

Umabot sa P6,026 ang grocery items na dinampot ng ate pero hindi na-scan ng nakababatang kapatid at hindi nabayaran. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.