Abante Tonite Interactive

Mag-BFF buking sa pagnanakaw sa BonChon

By
2,824

Nasakote ng Marikina Police ang dalawang magkaibigang salisi matapos mabuking sa pagnanakaw ng benta ng isang resto sa Marikina City, kamakalawa ng hapon.

Sa report na nakalap mula sa Eastern Police District, arestado sina Jobert Geli y dela Cruz, 25-anyos at Melody Canalez, 42-anyos, kapwa residente ng Marikina City at nahaharap sa kasong theft at paglabag sa RA 9165 o Illegal Drugs Act.

Batay sa report, nagtungo sa tanggapan ng Marikina Police Station 2 si Hannah Joy Asusula y Dosohan, restaurant manager, bandang alas-singko noong Lunes ng hapon makaraang mahuli ang ginawang pananalisi ng mga suspek sa loob ng BonChon restaurant sa Riverbanks Mall, Barangay Barangka.

Ayon kay Asusula, kinakausap siya ng suspek na si Geli at habang nakikipag-usap ito ay sumimple namang pumasok sa loob ng opisina si Canalez at nakuha ang benta ng resto na nagkakahalagang P65,768. Nang umalis na ang mga suspek, napansin ng manager na nawawala ang pera sa loob ng drawer kaya agad na tinawag ang mall security at nasakote ang dalawa na papasakay na ng taxi.

Nabawi naman ang benta ng resto at nang kapkapan ang dalawa ay nakuha mula kay Geli ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu at agad na itong dinala sa Station 2 upang sampahan ng kaso.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Marikina detention cell habang hinihintay ang kanilang paglilitis sa Prosecutors Office.