Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mag-exercise at proper diet

0 57

Bahagi na ng taun-taong listahan ng New Year’s Resolution ang pagpapaganda ng katawan. Marami ang naghahangad na maging physically fit matapos ang walang patumanggang pagkain nitong nakalipas na holiday season.

Ang iba, motivation nila ang summer break kaya nagpapa-sexy. Goal nilang makapag-bikini sa beach. Nagpapa-abs naman ang iba para agaw-pansin habang naglalakad sa beach front. Kaya marami ang nahuhumaling na mag-gym.

Kung tutuusin, hindi lang nitong Christmas break tayo maraming food intake. Mula pa noong March 2020, marami na sa atin ang nag-stress eating dahil sa ipinatupad na community lockdown kasunod ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa fitness guru na isa ring certified Zumba Instructor na si Lala Roque, importanteng linawin sa sarili kung bakit ka mag-eehersisyo. Hindi raw magandang motivation ang ‘burn the holiday fats’. Ika nga, dapat long-term goal ito. Gaya niya, dinidisiplina raw niya ang sarili niya sa proper diet and exercise para sa kanyang pamilya. Gusto pa niyang mabuhay nang matagal para sa kanyang mister at dalawang anak kaya todo ang pag-aalaga niya sa kanyang sarili.

Tama naman si Lala. Mahalagang malinaw sa sarili mo kung ano ang iyong goal. Para sa akin, dapat maging realistic din ang iyong target. Mahirap na mabigo ka sa dulo. Halimbawa, target mong mabawasan ka ng 20 pounds sa loob ng tatlong buwan. Tingnan kung kaya mo ito. Kung hindi, i-adjust ang target base sa kaya mong gawin at tuparin.

Hindi kailangang maging gastos kung gustong magpapayat. Katunayan, maraming DIY exercises na puwedeng gawin sa bahay lang. Kung takot ka pa mag-gym dahil sa banta ng COVID-19, puwede kang mag-ehersisyo sa loob ng inyong bahay. Gaya ni Lala, naglalatag lang siya ng gym mat na ginagamit niya sa pag-e-exercise. Marami ring online video tutorials na maaaring gamit na exercise guide.

Pagdating naman sa pagkain – ang payo ni Lala, hindi kailangang maging mapili sa pagkain. Kung ano ang available sa hapag, puwede na ‘yan. Basta ang dapat na laging isipin, kontrolado ang pagkain. Huwag sobra-sobra. Kung busog na, tigil na. huwag matutulog nang busog. Magbigay ng 2 to 3 hours na allowance pagkatapos kumain bago matulog.

Sa totoo lang, importante talaga ang ehersisyo at pagkain nang wasto lalo na ngayong hindi pa tapos ang laban ng buong mundo sa COVID-19. Mahalagang malakas ang immune system para may panlaban sa virus na posibleng umatake sa ating pangangatawan. Ibig sabihin, hindi lang natin gagawin ang exercise at proper diet para may maibida tayong physically fit body sa summer, kundi higit lalo para sa ating pamilya, kaanak at mga kaibigan dahil gusto pa nating mabuhay nang matagal.

Leave A Reply

Your email address will not be published.