Abante Tonite Interactive

Mag-iina patay sa bagyong Basyang sa Surigao del Sur

892

Kinumpirma kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tatlo katao na pawang mag-iina ang nasawi habang isa ang sugatan sa naganap na landslide bunga ng pananalasa ng bagyong Basyang kahapon ng madaling-araw sa Carrascal, Surigao del Sur.

Sa isang press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Mina Marasigan, spokesperson ng NDRRMC, sa report na ipinarating ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 13 na patay ang tatlong mag-iina habang isa ang sugatan nang matabunan ang kanilang bahay sa Barangay Gamutan, Carrascal.

Ang mga nasawi ay may mga edad na anim at tatlong taong gulang at ang kanilang ina. Natabunan ng putik ang kanilang bahay na dahilan ng kanilang kamatayan.

Nasa ospital naman ang isa pang bata. Hindi pa pinangalanan ang mga biktima na pawang nakuha gamit ang mga heavy equipment.