Abante Tonite Interactive

Mag-iina, tinadtad ng saksak ng dalawang drug addict

322

EDISON REYES

Sa parte naman ng kusina ng bahay nakita ang bangkay ng pinakabatang biktima na si Joaquin Mateo na tulad ng kanyang ina ay tadtad din ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Katabi ni Joaquin Mateo ang kanyang alagang aso na hindi rin pinaligtas ng mga suspek makaraang hatawin at pagsasaksakin.

Sa silid naman natagpuan ang bangkay ni Anton Gabriel na nakahiga pa sa kama habang nakalaylay ang dalawang paa na palatandaan na tinangka rin niyang manlaban kaya’t tulad ng kanyang ina at kapatid ay tinadtad din ng saksak.

Sa dami ng tama ng saksak ni Anton Gabriel, sinabi ng pulisya na halos maputol ang leeg ng bata na palatandaan na labis na kalupitang dinanas niya sa kamay ng salarin.

Batay sa naging pahayag ni Lt. Col. Castil, sinabi niya na una nilang napuna ang kawalan ng puwersahang pagpasok sa loob ng bahay kaya’t malaki ang kanilang paniniwala na ka­kilala ng mga biktima ang mga salarin bagama’t blangko pa sila sa motibo ng pagpatay.

Unang tinutukan ng kapulisan na pagna­nakaw ang posibleng motibo ng mga salarin sa ginawang pamamaslang dahil wala silang nakuhang cellular phone phone sa loob ng bahay gayung sa takbo ng pamumuhay sa ngayon ay iilan lamang sa isang pamilya ang walang gadget.

Bukod dito, bukas din at halatang hinalukay ang dalawang drawer sa paghahanap ng matatangay bagama’t hindi nila mabatid kung ano pa ang nawawalang gamit o salapi ng mga biktima.

Isa rin sa pinagtuunan ng pansin ng mga imbestigador ang posibilidad na panghahalay kay Jaymee ang motibo ng krimen bagama’t kinakailangan pa nilang hintayin ang resulta ng isasagawang pag-autopsiya ng PNP Crime Laboratory sa mga bangkay upang alamin kung pinagsamantalahan nga ang biktima.

Hindi kaagad makapagbigay ng inisyal na impormasyon ang kapulisan lalo na’t nagsisimu­la nang maagnas ang bangkay ng mga biktima at natuyo na rin ang tigmak ng mga dugo sa lugar, pati na ang sa katawan ng mga biktima na patunay na lumipas na ang mahabang oras nang mangyari ang pamamaslang bago pa man natuklasan ang kanilang mga bangkay

Sa ginawang pahayag naman sa pulisya ng kapatid ni ni Jaymee na nakadiskubre sa kanilang bangkay, sinabi niya sa mga imbestigador na nagpasiya na siyang puntahan ang bahay ng kanyang ate matapos aniyang hindi tumugon sa kanyang mga mensahe at hindi na rin nila ma-kontak ang cellular phone nito

Napagalaman pa ng pulisya na nakatakda na sanang umuwi ng bansa ang ina ni Jaymee mula sa pagtatrabaho sa Abu Dhabi at susunduin sana nilang magkakapatid sa pambansang paliparan ng Miyerkules ng gabi subalit hindi tumutugon ang biktima sa mga tawag ng kanyang mga kapatid,

Maging ang text messages ng kanyang amang si Jaime ay hindi na rin tumutugon ang biktima kaya’t ipinasiya na ng mga kapatid ni Jaymee na magtungo sa bahay ng kanilang ate upang alamin ang kanyang kalagayan.

Nang makarating naman sa kaalaman ni San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes, kaagad siyang naglaan ng pabuyang P50,000 sa sinumang makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng mga salarin na magiging daan upang magasagawa kaagad ng pag-TUGIS ang kapulisan.

Tiniyak din ng alkalde na mapagkakalooban ng karapatang ayuda ang pamilya Casabuena buhat sa lokal na pamahalaan, kabilang na ang pag-ako sa pagpapalibing sa mga biktima at pag-aalok na mailibing sa sementeryong pagmamay-ari ng lungsod.

Sinabi pa ni Mayor Robes na pagkakalooban din ng lokal na pamahalaan ng pinansiyal na tulong ang pamilya Casabuena at aalukin ng trabaho ang ina ni Jaymee na isang overseas Filipino worker sa Abu Dhabi upang hindi na siya umalis na bansa.

Nakakalap naman kaagad sina Lt. Col. Castil ng ilang testigo, kabilang ang dalawang menor-de-edad na kalaro ng mga anak ni Jaymee na silang nagbigay ng deskripsiyon sa katauhan ng dalawang lalaki na nagtanong pa sa kanila kung nasa loob ng bahay ang dalawang batang biktima.

Bukod pa rito may isa pang lumutang na testigo na nagbigay din ng deskripsiyon sa katauhan ng dalawang lalaki nang makita niyang kumakatok sa pintuan ng bahay ng mga biktima noong Martes ng gabi, Abril 2, 2019.

Bago nito, isa ring kapitbahay ng pamilya Casabuena ang nakapansin sa isang lalaking nagkukumpuni ng bubungan at nag-aayos ng trapal Martes ng umaga bagama’t wala naman silang napunang kakaiba hanggang sa matapos ang pagsasaayos ng bubong at trapal.

Tumutugma ang deskripsiyon ng kapitbahay ng mga biktima sa lalaking nagsagawa ng pagkukumpuni sa bubong sa isa sa dalawang lalaking kumatok at nagtungo sa bahay nina Jaymee na namataan naman ng isa ring testigong menor-de-edad.

Dahil dito’y lumaki ang hinala ng mga awtoridad na ang lalaking nagkumpuni ng bubong at trapal sa bahay ng biktima ay isa rin sa dalawang lalaking bumalik kinagabihan, kasama ang isa pang hindi pa kilalang lalaki

Naniniwala rin ang pulisya na kilala ng mga biktima ang isa sa mga salarin kaya’t pinagbuksan nila ng pintuan ang mga ito nang kumatok sa kanilang tirahan sa pagitang ng alas-9 hanggang alas-9:30 ng gabi noong araw ng Martes, Abril 2, 2019

Lalu pang nagkaroon ng malaking tsansa ang pulisya upang kaagad na madakip ang mga salarin makaraang matuklasan nila na nagpadala pa ng mensahe si Jaymee sa kanyang malapit na kamag-anakan na kalive-in ng kanyang karpinterong si Wilson Nosal.

Nakasaad sa mensahe ni Jaymee na ipinadala sa kanyang pinsan na nagtatanong kung bakit nasa kanilang bahay si Wilson, kasama ang isa pang lalaki at humihingi ng tubig na maiinom. Kapuwa lasing aniya ang dalawa at nangangamba siya na baka may masamang mangyari sa kanila.

Dahil sa naturang mensahe, naglunsad ng malawakang pag-TUGIS ang puwersa ng kapulisan ng San Jose Del Monte at una nilang pinuntahan ang bahay ni Wilson sa Ascoville, Barangay 185 Malaria, North Caloocan pasado alas-4 ng madaling araw ng Abril 4, 2019 araw ng Huwebes.

Nang matunugan ni Wilson ang paparating na puwersa ng kapulisan, tinangka niyang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon palabas sa bintana ng kanilang bahay patungo sa malawak na ilog na nagsisilbing hangganan ng Caloocan at San Jose Del Monte Cities.

Hindi naman nag-aksaya ng oras ang kapulisan at kahit na madilim sa naturang lugar, kaagad nilang pinalibutan ang malawak na lugar hanggang mamataan nila si Wilson na nagtatago sa masukal na bahagi ng ilog.

Nakuha rin ng pulisya ang damit na suot ni Wilson at kasama nang gawin ang krimen na may bahid pa ng mga dugo sa bahagi ng malawak na ilog. Ipinasiya ng dalawa na itapon sa ilog ang mga suot na damit upang hindi na maging ebidensiya laban sa kanila.

Bukod dito, sinabi ni Lt. Col. Castil na may nakuha rin silang damit sa loob ng bahay ni Wilson na may bahid din ng natuyong dugo na kanilang ring isusumite sa PNP Crime Laboratory upang alamin kung tutugma ito sa dugo ng isa man sa tatlong biktima.

Hindi naman naging mahirap sa kapulisan ang paaminin si Wilson sa krimen lalu na’t kusa rin niyang ipinagkaloob sa kapulisan ang mga screen shots ng mga mensahe niya sa cellular phone na magagamit na karagdagang ebidensiya ng pulisya

Inginuso rin ni Wilson ang kasabuwat niyang si Joselito Cortez sa paggawa ng krimen kaya’t hindi na nag-aksaya ng panahon ang kapulisan at mabilis silang nagsagawa ng pag-TUGIS sa isa pang suspek at kaagad na sinuyod ang mga lugar na puwede niyang puntahan o pagtaguan.

Hindi naman sumablay ang mga pulis sa ginawang pag-TUGIS dahil dakong alas-7 ng umaga, nasakote nila sa Barangay San Manuel sa lungsod pa rin ng San Jose Del Monte si Joselito na hindi na rin nagtangka pang manlaban sa umarestong kapulisan.

Sa mismong tanggapan ni Bulacn Provincial Police Office Director Col. Chito Bersaluna dinala ni Lt. Col. Castil ang dalawang pangunahing akusado sa krimen upang personal silang kausapin ng opisyal at tanungin ang kanilang motibo sa pag-masaker sa pamilya.

Sa pahayag ni Col. Bersaluna sa TUGIS, sinabi niya na inamin sa kanya ng dalawa ang pagpatay sa mag-iina at idinetalye pa ang kanilang ginawang krimen.

Mismong sa bibig ng mga salarin namutawi ang mga kataga kung paano nila isinagawa ang karumaldumal na krimen nang gabing magtungo sila sa bahay ni Jaymee.

Inamin ng dalawa na bumatak muna sila ng shabu habang umiinom ng alak at dahil sa tama ng ilegal na droga, nabitin sila sa pag-inom kaya’t kailangan nilang gumawa ng paraan upang masustenihan ang kakulangan ng maiinom na alak.

Dito na ipinasiya ng dalawa na magtungo sa bahay ni Jaymee upang pagnakawan ang pamilya lalu na’t batid naman ni Wilson na dalawang bata lamang ang kasama ng biktima sa tinitirhang bahay kaya’t madali na silang makagawa ng paraang makapagnakaw.

Sa pahayag naman ni Lt. Col. Castil, may bitbit na aniyang kawad ng kuryente si Wilson na gagamitin sana nilang panggapos sa mga biktima kung sakali at magtangkang lumaban sa gagawin nilang pagnanakaw.

Gayunman, nanlaban umano si Jaymee nang tangkain ng igapos kaya’t kinuha ni Joselito ang patalim sa kusina at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima pati na sa kanyang mukha kaya’t halos hindi makilala ang kanyang itsura nang datnan ng mga kapatid.

Bukod sa mga tama ng saksak sa katawan, may mga tama rin ng saksak sa braso at kamay si Jaymee na palatandaan na tinangka niyang manlaban sa mga salarin.

Isinunod naman ni Joselito na patayin ang panganay na anak ni Jaymee na si Anton Gabriel na nasa loob ng silid. Nagtamo ng 21-tama ng saksakang bata, kabilang na ang malalalim na tarak sa leeg na halos ikaputol nito.

Umabot naman sa 15 ang tama ng saksak sa katawan ng bunsongg anak ni Jaymee na si Joaquin Mateo na natagpuan na sa kusina ng kanilang bahay, katabi ang kanilang alagang aso na pinatay din ng mga salarin.

Sa kuwento ni Wilson kay Lt. Col. Castil, habang nagaganap ang komosyon ay tahol ng tahol ang alagang aso ng pamilya at upang matigil ang ingay ay hinataw at pinagsasaksak din ito ni Joselito.

Sinabi ni Wilson sa pulisya na bagama’t kasabuwat siya ni Joselito sa paggawa ng krimen, hindi aniya siya ang sumaksak sa mag-iina bagama’t inamin niya na tumulong siyang hawakan ang mga ito kapag tinatangkang manlaban.

Bago tumakas ang dalawa, hinalughog muna ang dalawang drawer at nang walang makitang salapi ay, tinangay na lamang ang cellular phone ni Jaymee at isinangla sa halagang P200 sa isang kakilala na naninirahan sa Cubao sa Quezon City.

Nabawi naman ng pulisya ang ninakaw na mobile phone sa tulong na rin ni Wilson at isa ito sa gagamitin ng kapulisan sa paghahain ng kaukulang kaso.

Bago sampahan ng kaukulang kaso ng San Jose Del Monte police, iniharap muna ni Bulacan provincial police director Col. Chito Bersaluna sina Joselito at Wilson kay Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde sa Kampo Olivas sa San Fernando Pampanga, kasama si Mayor Arhur Robes na alkalde ng lungsod.

Binigyang papuri naman ni General Albayalde sina Col. Bersaluna, Lt. Col. Castil at ang puwersa ng San Jose Del Monte police sa agarang pagkakadakip sa dalawa na nagresulta sa mabilis na pagkalutas sa karumaldumal na krimen.

Sinabi ni Gen. Albayalde na halos walong oras lamang makaraang madiskubre ang krimen ay nagawa na ng pulisya na madakip si Wilson at makaraan ang tatlong oras ay nahuli na ang kanyang kasamang si Joselito.

Sa ginawa namang background check ng mga tauhan ni Lt. Col. Castil sa kataauhan ni Joselito, natuklasan na nasangkot na pala siya sa iba’t-ibang uri ng krimen sa kanilang lalawigan sa General Mariano Alvarez sa Cavite.

Kabilang sa mga kinasangkutang kaso ni Joselito ang pagpatay, pagnanakaw, panghoholdap at tangkang pagpatay at kaya siya naglagi sa San Jose Del Monte ay upang magtago at takasan ang mga ginawang krimen.

Matapos iprisinta sa mga mamamahayag ang dalawang salarin, kaagad iniutos ni Col. Bersaluna ang pagsasaayos ng mga dokumento, kabilang na ang testimonyang ibibigay ng mga tumayong testigo pati na ang screen shot ng mensahe ni Jaymee na ipinadala niya sa kanyang pinsan bago pa sila napaslang upang maisampa kaagad ang kasong robbery with homicide sa San Jose Del Monte City Prosecutor’s Office

Bukod sa sinumpaang salaysay ng mga kapatid ni Jaymee, kasama rin sa ipriprisinta sa tanggapan ng city prosecutor ang salaysay ng dalawang menor-de-edad na kalaro nina Anton Gabriel at Joaquin Mateo na pinagtanungan ni Wilson bago sila kumatok sa bahay nina Jayme na tiyak na magpapalakas sa kanilang ihahaing kaso.

Tiniyak naman ni Lt. Col. Castil ang kaligtasan ng mga testigo, lalu na ang mga menor-de-edad na kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng lokal na Social Welfare and Development ng lungsod upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ayon pa kay Lt. Col. Castil, hindi naman hinalay ng mga salarin si Jaymee batay na rin sa lumabas na pagsusuri ng PNP medico legal sa kanyang labi habang hihintayin naman nila ang resulta sa isasagawang eksaminasyon sa mga nakuha nilang pisikal na ebidensiya tulad ng duguang dami na itinapon ng mga salarin sa ilog, ang nabawing patalim at kawad ng kuryente na may bahid ng natuyong dugo sa loob ng bahay.

Bagama’t walang kaharap na abogado na kanilang pinili sina Joselito at Wilson nang aminin nila sa pulisya at sa harap ng mga miyembro ng media ang ginawang krimen, kumpiyansa pa rin ang pulisya na tatayo sa husgado ang kaso lalu na’t matitibay ang kanilang mga nakalap na ebidensiya.

Nang dalhin ang mga akusado sa custodial facility ng San Jose Del Monte police, ipinasiya ni Lt. Castil na paghiwalayin ng selda ang dalawa sa pangambang buweltahan ni Joselito si Wilson na nagdiin sa kanya ng husto sa krimen.

Gayunman, mula nang dalhin sa selda si Joselito at mawala na ang epekto ng ilegal na droga sa kanyang utak, napansin na ng kanyang mga kapuwa detainees ang pagiging balisa at laging nakatingin sa kawalan. Maging ang rasyong pagkain ng mga datainees ay hindi na rin halos ginagalaw ni Joselito at umiiwas ding makipag-usap sa sinumang kasama sa selda.

Lalu pang kinakitaan ng matinding depresyon nang isa man sa kanyang mga kaanak sa kanyang tirahan sa GMA Cavite ay walang nangahas na dalawin siya sa custodial facility ng San Jose Del Monte police station.

Lunes ng hapon Abril 8 2019, habang isinasailalim sa bible study ang mga datainees tulad ng nakagawian, bigla na lamang lumuhod si Joselito at humingi ng patawad sa kanyang nagawa.

Madaling araw kinabukasan, araw ng Martes o eksaktong isang linggo matapos maganap ang nakaririmarim na pagpatay sa mag-iinang Jaymee, nadiskubre ng kanyang mga kapuwa datainees ang nakabiting bangkay ni Joselito dakong alas-2 sa loob ng palikuran na gamit ng mga bilanggo sa selda.

Ginamit ni Joselito sa pagpapatiwakal ang kawad na nagsisilbing sampayan ng mga damit na nilabhan ng mga preso.

Kaagad ipinabatid ng mga kasama ni Joselito ang pagkakatagpo sa nakaibitin niyang katawan at sa pagnanais ng mga nakatalagang pulis na isalba pa ang kanyang buhay, pinutol nila ang nakapulupot na kawad sa leeg nito at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan kung saan idineklara siyang wala ng buhay.

Nagsagawa naman kaagad ng pagsusuri sa loob ng palikuran ang pulisya at dito nila nakuha ang isang suicide note o liham ng pamamaalam ni Joselito na bagama’t bahagyang nabasa ng tubig ay malinaw namang mababasa ang nakasaad dito.

Sa naturang suicide note, nakalagay ang paghingi niya ng tawad sa nagawa at nagsisisi siya ng malaki. Nawala aniya siya sa sarili nang gawin ang krimen na ayon sa pulisya ay malinaw na palatandaan ng pag-amin na lango siya sa impluwensiya ng droga.

Nakatawag pansin din sa pulisya ang lagda ni Joselito na sa halip na Cortez ay Lumba ang ginamit niyang pangalan.

Ayon naman kay Lt. Col. Castil, huli na nang matuklasan nila na ang tunay na pangalan ng nagpatiwakal na akusado ay Joselito Lumba at ginamit lamang niya ang apelyidong Cortez dahil nagtatago siya sa mga kasong kanyang kinasangkutan.

Dugtong pa ng opisyal, nakakuha sila ng warrant of arrest laban kay Joselito na inilabas ng Cavite Regional Trial Court sa kasong homicide sa General Mariano Alvarez kung saan Lumba ang tunay niyang apelyido.

Isisilbi sana nila ang arrest warrant laban kay Joselito bagama’t hindi na nila ito nagawa dahil nagpasiya ng magpatiwakal ang akusado habang nasa kostudiya na ng kapulisan.

Naniniwala si Lt. Col. Castil na inuusig ng kanyang sariling konsensiya si Joselito sa ginawa niyang pananaksak sa mga biktima lalu na sa mga batang sina Gabriel Anton na nagtamo ng 21 saksak at Joaquin Mateo na may 15 tama ng saka sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan.

Si Joselito rin aniya ang tumadtad ng saksak kay Jaymee at pati ang mukha ng biktima ay halos mawasak na sa tinamong mga tama ng saksak habang nasa impluwensiya ng droga at alak.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-