Abante Tonite Interactive

Mag-iina, tinadtad ng saksak ng dalawang drug addict

313

EDISON REYES

Sa pahayag naman ni Lt. Col. Castil, may bitbit na aniyang kawad ng kuryente si Wilson na gagamitin sana nilang panggapos sa mga biktima kung sakali at magtangkang lumaban sa gagawin nilang pagnanakaw.

Gayunman, nanlaban umano si Jaymee nang tangkaing igapos kaya’t kinuha ni Joselito ang patalim sa kusina at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima pati na sa kanyang mukha kaya’t halos hindi makilala ang kanyang itsura nang datnan ng mga kapatid.

Bukod sa mga tama ng saksak sa katawan, may mga tama rin ng saksak sa braso at kamay si Jaymee na palatandaan na tinangka niyang manlaban sa mga salarin.

Isinunod naman ni Joselito na patayin ang panganay na anak ni Jaymee na si Anton Gabriel na nasa loob ng silid. Nagtamo ng 21 tama ng saksak ang bata, kabilang na ang malalalim na tarak sa leeg na halos ikaputol nito.

Umabot naman sa 15 ang tama ng saksak sa katawan ng bunsong anak ni Jaymee na si Joaquin Mateo na natagpuan na sa kusina ng kanilang bahay, katabi ang kanilang alagang aso na pinatay din ng mga salarin.

Sa kuwento ni Wilson kay Lt. Col. Castil, habang nagaganap ang komosyon ay tahol nang tahol ang alagang aso ng pamilya at upang matigil ang ingay ay hinataw at pinagsasaksak din ito ni Joselito.

Sinabi ni Wilson sa pulisya na bagama’t ka­sabwat siya ni Joselito sa paggawa ng krimen, hindi aniya siya ang sumaksak sa mag-iina bagama’t inamin niya na tumulong siyang hawakan ang mga ito kapag tinatangkang manlaban.

Bago tumakas ang dalawa, hinalughog muna ang dalawang drawer at nang walang makitang salapi ay tinangay na lamang ang cellular phone ni Jaymee at isinangla sa halagang P200 sa isang kakilala na naninirahan sa Cubao sa Quezon City.

Nabawi naman ng pulisya ang ninakaw na mobile phone sa tulong na rin ni Wilson at isa ito sa gagamitin ng kapulisan sa paghahain ng kaukulang kaso.

Bago sampahan ng kaukulang kaso ng San Jose Del Monte police, iniharap muna ni Bulacan provincial police director Col. Chito Bersaluna sina Joselito at Wilson kay Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde sa Kampo Olivas sa San Fernando Pampanga, kasama si Mayor Arhur Robes na alkalde ng lungsod.

Binigyang papuri naman ni General Albayalde sina Col. Bersaluna, Lt. Col. Castil at ang puwersa ng San Jose Del Monte police sa agarang pagkakadakip sa dalawa na nagresulta sa mabilis na pagkalutas sa karumaldumal na krimen.
Sinabi ni Gen. Albayalde na halos walong oras lamang makaraang madiskubre ang krimen ay nagawa na ng pulisya na madakip si Wilson at makaraan ang tatlong oras ay nahuli na ang kanyang kasamang si Joselito.

Sa ginawa namang background check ng mga tauhan ni Lt. Col. Castil sa kataauhan ni Joselito, natuklasan na nasangkot na pala siya sa iba’t-ibang uri ng krimen sa kanilang lalawigan sa General Mariano Alvarez sa Cavite.
Kabilang sa mga kinasangkutang kaso ni Joselito ang pagpatay, pagnanakaw, panghoholdap at tangkang pagpatay at kaya siya naglagi sa San Jose Del Monte ay upang magtago at takasan ang mga ginawang krimen.

Matapos iprisinta sa mga mamamahayag ang dalawang salarin, kaagad iniutos ni Col. Bersaluna ang pagsasaayos ng mga dokumento, kabilang na ang testimonyang ibibigay ng mga tumayong testigo pati na ang screen shot ng mensahe ni Jaymee na ipinadala niya sa kanyang pinsan bago pa sila napaslang upang maisampa kaagad ang kasong robbery with homicide sa San Jose Del Monte City Prosecutor’s Office
Bukod sa sinumpaang salaysay ng mga kapatid ni Jaymee, kasama rin sa ipriprisinta sa tanggapan ng city prosecutor ang salaysay ng dalawang menor-de-edad na kalaro nina Anton Gabriel at Joaquin Mateo na pinagtanungan ni Wilson bago sila kumatok sa bahay nina Jayme na tiyak na magpapalakas sa kanilang ihahaing kaso.