Abante Tonite Interactive

Mag-iina, tinadtad ng saksak ng dalawang drug addict (Part 2)

193

Ang karumal-dumal na pagpatay sa mga biktimang sina Jaymee Casabuena, 28 at mga anak na sina Anton Gabriel, walong taong gulang at Joaquin Mateo, limang taong gulang ay nadiskubre sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay Kaypian San Jose Del Monte Bulacan noon lamang Abril 4 ng dakong alas-8:30 nang gabi.

Kung tutuusin, hindi pa gaanong kilala ang mga biktima sa kanilang lugar sa Barangay Kaypian dahil noon lamang huling bahagi ng nakaraang taon sila lumipat kaya’t hindi pa sila masyadong nagtatagal manirahan sa hinuhulugan nilang bahay sa Block 32 Lot 57 Carisa Phase 2A matapos

Dalagang ina si Jaymee at siya, katuwang ang kanyang ina na nagta-trabaho sa Abu Dhabi ang sumusuporta sa dalawa niyang anak kaya’t kahit walang maituturing na ama ang kanyang mga anak, hindi naman sila naghihikahos sa buhay lalo na’t kahit paano ay may naisubi naman ang biktima na dating nagtatrabaho sa isang bantog na fast food chain.

Kahit tatlo lamang silang naninirahan sa hindi naman gaanong kalakihang bahay, may mga kamag-anakan si Jaymee na nagmamalasakit at handang tumulong sa kanila kapag may problema sa tinitirhan nilang bahay na kinakailangan kumpunihin.

Dahil wala pang masyadong kakilala sa kanilang lugar, kinakailangan ni Jaymee na humi­ngi ng tulong sa kanyang mga kaanak kapag may kailangang kumpunihin lalo na’t hindi naman niya kakayanin bilang isang babae ang gumawa ng trabaho ng isang lalaki.

Isa sa madalas na magserbisyo sa mag-iina si Wilson Nosal y Cortes, ang 23 taong gulang na karpintero na kinakasama o kalive-in ng isang babaing pinsan ni Jaymee na naninirahan lamang sa Barangay 185 Malaria, Caloocan City.

Si Wilson ang kadalasang tinatawag ni Jaymee kapag may kinakailangang kumpunihin sa kanilang bahay tulad ng pagkasira ng bubong, tagas ng tubig at iba pa kaya’t kilala na siya ng mga anak ni Jaymee na sina Anton Gabriel at maging ang limang taong gulang pa lamang na si Joaquin Mateo.

Bukod dito, malapit lamang sa hangganan ng lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan ang tinitirhang bahay ni Wilson at ng kanyang kinakasama na malapit na kaanak ni Jaymee sa Barangay 185, Malaria, Caloocan City na kung tutuusin ay isang ilog lamang ang pagitan.

Walang pirmihang hanapbuhay si Wilson kaya’t bukod sa pagkakarpintero, pangongolekta ng basura ang kanyang pinagkakaabalahan upang kumita ng salapi, hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi upang matustusan ang kanyang pagkahumaling sa iligal na droga.

Sa pangongolekta ng basura nakilala ni Wilson ang 48-anyos na si Joselito Cortez na tulad niya ay gumagamit din ng ilegal na droga kahit na walang pirmihang hanapbuhay.

Dahil Cortes ang apelyido sa ina ni Wilson, itinuring niyang kamag-anakan si Joselito kahit pa nga Z at hindi S ang huling letra ng apelyido ng huli. Sa katunayan, “Pinsan” kung magtawagan ang dalawa kaya’t inakala ng marami na malapit silang magkamag-anak.