Abante Tonite Interactive

Mag-iina, tinadtad ng saksak ng dalawang drug addict

0 292

Edison Reyes

Maraming pamamaraan ang kapulisan sa paglutas ng krimen, kabilang na rito ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya tulad ng close circuit television (CCTV) camera, mobile phone at iba pang gadgets subalit ang pinakamahalaga ay ang partisipasyon ng publiko.

Sa kasalukuyang umiiral na batas, bagama’t tinatanggap na bilang ebidensiya sa husgado ang mga nakalap na kuha ng CCTV camera at maging sa cellular phone, marami pang pamamaraan na kinakailangang pagdaanan upang kumbinsihin ang hukuman na tunay at hindi gawa-gawa lamang ang nakalap na text messages, video o larawan.

Sa katunayan, sa isang artikulong isinulat ni Atty. Francis Lim ng Angara Abello Concepcion Regala & Cruz Law Offices, sinabi niya na ang dating panuntunan ng hukuman kaugnay sa pagtanggap ng ebidensiya na nilikha ng Korte Suprema may 50-taon na ang nakararaan ay walang isinasaad na puwedeng tanggapin bilang ebidensiya ng video footages o maging mensahe o larawan mula sa mobile phone lalu na’t wala pa ang mga makabagong teknolohiyang ito nang likhain ang panuntunan.

Gayunman, sinabi niya na mapalad siya dahil kabilang siya sa mga naatasang mag-banghay ng alituntunin sa ilalim ng ipinasang E-Commerce Act noong taong 2000 upang mapabilang sa panibagong panuntunan ng Mataas na Hukuman na kalaunan ay tinaguriang Rules on Electronic Evidence of REE.

Nangangahulugan na puwede ng gamitin ng kapulisan bilang ebidensiya sa korte ang mga kuha ng CCTV o anumang larawan mula sa mga gadgets bagama’t dadaan pa rin sa butas ng karayom ang mga tagausig dahil kinakailangan nila itong i-prisinta, ipaliwanag at sabihin sa hukuman kung sino ang kumuha at patunayan ng isang dalubhasa na hindi ito peke.

Ganito rin ang panuntunan sa pagpi-prisinta ng ebidensiyang nakalap sa mga mensahe sa pamamagitan ng text bagama’t mas madaling mapatunayan sa hukuman kung tunay ang mensaheng ipi-prisinta ng tagausig dahil naka-rekord sa National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng mga mensahe sa text at may kapangyarihan sila na magpatunay kung totoo o peke ito
Sa kabila ng makabagong teknolohiya na nakakatulong sa kapulisan sa paglutas ng karumal-dumal na krimen, higit na mahalaga pa rin ang tulong ng mamamayan lalu na ang partisipasyon ng kapani-paniwalang saksi na haharap sa hukuman upang tumestigo at magpatunay na sangkot ang akusado sa paggawa ng krimen.

Bukod siyempre rito ang mga nakalap na ebidensiya sa pinangyarihan ng krimen na magpapalakas lalu sa kaso lalu na kung mapapatunayan sa resulta ng eksaminasyon ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory na ginamit nga ito ng mga salarin sa pamamaslang.

Muling mapapatunayan ang ganitong pananaw sa oras na umusad na sa hukuman ang kaso ng dalawang lalaking nadakip ng puwersa ng kapulisan na may kinalaman sa pagpatay sa tatlong miyembro ng isang pamilya sa lungsod ng San Jose Del Monte, sa lalawigan ng Bulacan.