Abante Tonite Interactive

Mag-ina, kapitbahay kalaboso sa droga

247

Magkakasamang binitbit ng mga pulis ang isang mag-ina at ang kanilang kapitbahay makaraang mahulihan ng aabot sa P350,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Navotas City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ni Chief Inspector Ilustre Mendoza, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, ang naarestong ginang na si Corazon Marcos, 58; ang anak nitong dalaga na si Annalyn Tremocha, 23; at ang kanilang kapitbahay na si Christina Gitag, 26, may-asawa, pawang nakatira sa Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North sa nasabing lungsod.

Ayon kay Mendoza, dakong alas-11:45 ng gabi nang ikasa nila ang buy-bust operation sa kahabaan ng Market 3 at isang operatiba ang nagpanggap na bibili ng shabu kay Corazon na halagang P2,000.

Naroon din umano sa lugar sina Annalyn at Christina na kasama ni Corazon kung kaya’t nang magkaabutan na ng droga ay dinakma ang mga ito ng mga pulis.

Nahulihan din umano ng tig-isang plastic sachet ng shabu sina Annalyn at Christina.

Inamin naman ni Cora na nagtutulak siya ng iligal na droga para pantustos sa kanyang pamilya. Inuutusan din umano nito ang anak na tumulong sa iligal na gawain para lumaki ang kanilang kita.

Umabot sa 17 plastic sachet ng shabu ang nakumpiska sa kanila ng mga pulis sa mga suspek.