Abante Tonite Interactive

Mag-ina nabaril sa buy-bust

333

Patay ang isang umano ay drug personality samantalang sugatan din ang isang bata at ina nito matapos umanong tamaan ng bala sa buy-bust operation sa Tanauan City noong Huwebes.

Sa report ng Batangas City police provincial office, naganap ang buy-bust sa Brgy. 1 Poblacion ala-1:50 nang hapon kung saan tinarget ang suspek na si Cristopher Nones Javier.

Nagkaroon ng habulan matapos na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungong Sto. Tomas hanggang sa makorner sa isang motel sa Brgy. San Miguel. Dito umano nagkaputukan subalit nakatakas muli ang suspek patungong Lipa City.

Bandang alas-2:30 ng hapon nang muling masukol ang suspek sa St. Joseph Homes Subdivision, Brgy. Inosluban, Lipa City kung saan muling nagkabarilan na ikinasawi na ng suspek.

Nadamay din ang isang apat na taong gulang na bata at ang ina nito na nadaplisan ng bala sa likod habang nagpuputukan.

Tumanggi muna ang mga awtoridad na ibigay ang pa­ngalan ng ginagamot na mag-ina na kaanak din umano ng suspek.

Narekober naman sa nasa­wing suspek ang kalibre .45 baril na ginamit nito at apat na sachet ng shabu at mga drug parapehernalia. (Ronilo Dagos)