Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mag-ingat sa matatamis na pangako

0 221

Hindi pa man opisyal na nagsimula ng panahon ng kampanya para sa 2022 elections ay nagpapakitang-gilas na ang mga kandidato at nangangako ng mga imposible para makakuha ng boto.

Kabi-kabilang interview na sa radyo at telebisyon ang mga kandidato sa national level at mapapailing ka na lang kapag nagbitaw ang mga ito ng salita na para bang siguradong-sigurado na sila ng panalo sa darating na eleksiyon.

Lahat ng isyung alam nilang may interes ang publiko ay sinasakyan para makatawag ng pansin na para bang mas magaling sila kaysa sa mga nakaupong nagpapatakbo ngayon sa bayan.

Ang ibang kandidato naman ay nagpapadaplis na sa kanilang mga kalaban sa puwesto na sa tingin ng ordinaryong mamamayan ay masyado pang maaga sa halip na tumulong muna sa problema sa nararanasang pandemya.

Mas lumaki ang platform ngayon ng mga kandidato dahil sa teknolohiya at social media kaya kahit hindi pa pormal na nag-uumpisa ang kampanya ay nagagamit ng mga ito ang impluwensiya ng social media para sa kanilang interes sa eleksiyon.

Bagamat masasabing mulat na ang taongbayan sa mga isyu ng lipunan, mayroon pa ring panananiwala ang mga kandidato at nabobola marahil kaya nakukumbinsi sa kanilang mga sinasabi.

Kaibigan, hindi lahat ng lumalabas sa bibig ng mga pulitiko ay totoo o kaya ay tinutupad ng mga ito pagdating ng panahon.

SM food to go Banner Ad

Kailangang matuto sa mga karanasan mula sa nakalipas na mga administrasyon para hindi habang buhay na napapako ang pag-asa ng taongbayan.

Marami ang maglalaban-laban ngayon sa pinakamataas na puwesto at pangalawang mataas na puwesto kaya dapat pag-isipang mabuti kung sino ang karapat-dapat sa inyong mga boto.

Ang mga boto ninyo ang magsisilbing boses kung ano ang gusto ninyong mangyari para sa bansa at sa taongbayan kaya maging matalino sa pagpili at huwag magpapadala sa tamis ng dila at matatamis na pangako ng mga pulitiko.

Maraming “sweet talker” tuwing panahon ng eleksiyon kaya huwag ipagsapalaran sa pangako ng mga pulitikong ito ang kinabukasan ng bansa at ng sambayanan.

Marami ng mga pangakong napako mula sa mga pulitikong ito, ang iba ay matagal ng nasa puwesto, at ilang silya na ang nabutas pero walang makita ang taongbayan na nagawa ng mga ito para sa mga Pilipino.

Ngayon pa lamang kaibigan ay mag-lista ka na ng mga pangalan at sa bawat araw na magdaan ay alisin ang inaakala mong hindi karapat-dapat sa boto mo at kung sino ang matira ay siya mong isulat sa iyong balota pagdating ng araw ng halalan.

Tandaan mo kaibigan, ang kandidatong maingay, mahilig mangako at naninira ng kalaban sa target na puwesto ay hindi tapat at kulang ng bait at tiwala sa sarili.

Leave A Reply

Your email address will not be published.