Abante Tonite Interactive

Mag-ingat sa mga nag-uudyok

By
251

Uminit na naman ang isyu ng West Philippine Sea matapos lumutang ang usapin sa ‘60-40 arrangement’ sa pagitan ng Pilipinas at China para sa ‘joint exploration’ ng lugar na pinaniniwalaang mayaman sa deposito ng langis.

Mismong si dating Pangulong Aquino at Bise Presidente Leni Rob­redo ang humihingi ng paliwanag sa DFA kung papaano humantong sa ganitong hatian. Dapat daw ipaalam sa mga tao ang transaksiyon sa pagitan ng Beijing at Manila. Dapat daw may ‘transparency’.

Sino ba ang walang ‘transparency’ kaugnay sa West Philippine Sea?

Buwelta ito ni Fo­reign Affairs Secretary Alan Cayetano sa mga kritiko na nagsasabing walang ‘transparency’ ang administrasyong Duterte partikular sa mga hakbang para ipag­laban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Giit ni Cayetano, walang itinatago sa publiko ang gobyerno lalo na sa isyu ng pakiki­pag-ugnayan sa China o sa anumang bansa.

***

Gano’n naman pala, ano ang masama kung magkaroon ng ‘joint exploration’ sa lugar na ang nagtutulungan ay mga Tsinoy at Pinoy?

Sa panahon nga­yon na ‘hostage’ ang Pilipinas sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, natural lamang na maghanap ang gobyerno ng alternatibong pagkukunan ng ‘enerhiya’ na kailangan para tumakbo ang ekonomiya.

Ang anumang pro­duksiyon ng langis mula sa West Philippine Sea ay malaking tulong sa Pilipinas para makatipid sa dolyar na ginagamit pambayad sa inaangkat na langis na kontrolado ng Amerika at iba pang kaalyadong bansa.

Ang matitipid na dolyar ay maaaring ma­gamit sa iba pang gastusin ng pamahalaan tulad ng suporta sa mga maysakit at matatanda.
***

Tama lamang ang panawagan ng ‘transparency’ lalo na may kinalaman sa hinaharap ng bansa. Ang mga humihingi, lalo na ang mga nagkaroon ng pagkaka­taon na patakbuhin ang bansa ay dapat maging bukas din sa kanilang mga ginawa noong nasa panahon ng kapangyarihan.

Sa pagsisimula ng 2018 mayroon ng ‘bila­teral consultation’ na nagaganap sa pagitan ng Pilipinas at China para sa ‘peaceful cooperation’ sa WPS. Ang ‘joint oil exploration’ ay isa lamang sa bunga ng pag-uusap ng magkabilang panig.

Ang pagkakaroon ng Code of Conduct sa WPS o South China Sea ang hangad ng lahat ng ‘stakeholder’ hindi lamang ng Pilipinas na­taon lamang sa admi­nistrasyong Duterte gumanda ang takbo ng pag-uusap.

***

Kung ‘transparency’ ang pag-uusapan, normal lang na igiit din ni Cayetano na magpaliwanag nakaraang administrasyong Aquino, Senador Antonio Trillanes IV at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kung ano ang kanilang ginawa noong nasa puwesto.

Dapat malaman ang puno’t dulo nang pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa Scarbo­rough Shoal. Kaninong administrasyon ba unang nawala ang mga isla? May papel ba ang Estados Unidos?

Bago nagkagirian ang Pilipinas at China, malayang nakakahuli ng isda ang mga Pinoy sa lugar, subalit nang magkaroon ‘Scarborough standoff’, nganga ang ating mga mangingisda.

Ngayong nagnonormalisa na ang sitwasyon, dapat pa bang bumalik sa tensiyonadong sitwasyon?

Kung magkaroong muli ng ‘standoff’, ano kayang tulong ang maibibigay ng mga nag-uudyok?