Abante Tonite Interactive

Mag-ingat sa USOG

By
837

Nausog ka na ba? Kung hindi pa ay siguradong hindi mo ito gugustuhing maranasan. Ang usog o kilala rin sa tawag na balis, ay isang pamahiin ayon sa mga matatanda. Kapag daw nabati ang isang bata o sanggol ng isang estrangherong nagtataglay ng masamang mata, ito ay tinatawag na usog o nausog. Pero hindi lang ang mga bata ang nauusog, maging ang mga matatanda rin. Ang paniniwalang ito tungkol sa usog ay may impluwensyang mula sa mga Kastila. Sinasabing kapag ang isang tao ay nausog, ito ay agad dinadapuan ng masamang pakiramdam tulad ng pagsakit ng tiyan, pagkahilo, pamumutla at pagsusuka. Kung matindi ang pagkausog ito ay maaaring humantong sa kamatayan kung hindi maa­agapan. Kalimitan ang ginagawa upang mawala ang usog ay pinapapahiran ng laway ang bata sa tiyan, sa paa o kaya ay sa noo. Kung hindi makita ang tunay na nakausog ay maari din itong ipagawa sa taong nakakausog din. Maaari ding paku­luan ang damit na suot ng na­usog. Upang maiwasan ito ay ginagawa rin ang paglalaway sa mga bata at sinasabi ang katagang “pwera usog”.

Sa medi­cal terms, ito ay ang kinakahinatnan ng pagkaputol ng homeostasis sa pamamagitan ng physical at psycholo­gical stimu­li mula sa isang estranghero. Suba­lit hindi pa ito ganap na tinatanggap sa medikal. Mas pinaniniwalaan na ito ay isang pamahiin kaysa kalagayang medikal ng isang tao. Sad­yang nakakatakot ang mausog o mabalis. Naranasan ko na ito at talaga namang namilipit ako sa sakit ng tiyan na naramdaman ko. Papunta na sana ako sa party noon,mga edad disisais ako, pero bigla akong namutla at nakaramdam ng pagkahilo. Hindi na ako tumuloy sa party at sa halip ay umuwi ako ng bahay at nahiga sa papag. Buti na lang dumating ang lola ko at nakita ako sa kalagayan ko. Agad niya akong pinahiran ng laway niya sa tiyan ko at parang magic na big­lang nawala ang pananakit nito. Maaaring ang lola ko rin mismo ang nakausog sa akin noong gabing ‘yon dahil binati niya ‘ko bago ako mag-ayos papunta sa party.Kaya naman naniniwala talaga ako sa usog o balis dahil naranasan ko ito mismo. Malakas ang kapangyarihan ng usog lalo na kung gutom ang bumati sa’yo at gutom ka rin. Subalit tandaan na hindi lang estrang­hero sa’yo ang nagtatag­lay nito kundi maging ang mga kamag-anak mo na dati mo nang nakakasalamuha. Ang pagkausog naman ay hindi sinasadya, kundi sad­yang nangyayari sa pagitan ng taong may usog at may mahinang katawan.

Sa kasalukuyan ay may mga pamproteksyon na ginagamit ang mga tao bilang panlaban sa mga taong may usog tulad ng pulseras na pula o kuwintas na may palawit na kulay pula. Mas maging ­maingat din sa mga pagbati mula sa mga tao lalo na sa hindi kilala at palaging sabihin ang “pwera usog”.