Abante Tonite Interactive

Mag-live in niratrat sa bahay

334

Nasawi ang magka-live in matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga lalaki na pumasok sa kanilang bahay sa Tanza, Cavite Lunes ng hapon.

Kapwa dead on-the-spot ang mga biktima na kinilalang sina Amante Ronquillo at Ma. ­Jesusa Torcuator, parehong 48-anyos, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang ­katawan.

Sa ulat ni Cavite Provincial Police Office director Col. Marlon Santos na ipinadala sa Camp ­Crame, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng apartment ng mga biktima sa Brgy. Santol sa nasabing bayan.

Sa pahayag ng isang testigo na residente sa lugar, dumating sa lugar ang apat na mga ­armadong lalaki at agad pumasok sa bahay ng mga biktima.

Makalipas ang ilang sandali, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok pagkatapos ay mabilis na lumabas ng bahay ang mga suspek at tumakas.
Nabatid sa pulisya na apat na araw pa lang nakatira sa lugar ang mga biktima matapos rentahan ang nasabing apartment.

Narekober naman sa crime scene ang iba’t ibang identification card ng mga biktima na magkakaiba ang pangalan pero iisa lamang ang larawan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente ng pamamaslang sa mga biktima. (Edwin Balasa/Gene Adsuara)