Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mag-utol, 3 dabarkads nasakote sa pot session

0 71

Nalambat ng mga pulis ang isang magkapatid at tatlo nilang kaibigan matapos makatanggap ng tip na sumisinghot ng marijuana ang mga suspek sa isang parking lot sa Barangay Bambang, Pasig City kamakalawa nang madaling-araw.

Base sa report ng tanggapan ni Eastern Police District director Brig. Gen, Orlando Yebra, kinilala ang mga suspek na sina Jerome Joves y Muñes, 21, Grab driver, at Jeradie Joves Jr. y Muñes, 29, encoder; mga kawani ng disinfection services na sina Steven De Leon y Gremarez, 27, at Tristan Cruz y Fandialan, 23; at isa pa nilang kaibigan na si Gilbert Pasco Jr y Valencia, 25.

Ayon sa report, inaresto ang limang suspek bandang alas-4:45 Sabado nang madaling-araw sa isang bakanteng lote sa F. Manalo St., Barangay Bambang nang maaktuhang sumisinghot ng marijuana.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang glass tube na may bakas pa ng marijuana at isang disposable lighter.

Nakakulong sila ngayon sa Pasig City Police custodial facility at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.