Abante Tonite Interactive

Mag-utol, 3 pang tulak kalaboso

190

Kulungan ang bagsak ng magkapatid na tulak ng droga nang kumagat sa buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Palatiw, Pasig City, Linggo ng madaling-araw.

Bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang masakote ang magka­patid na sina Meliton Arbastro y Berdan Jr., 38, at Rodrigo Arbastro y Berdan, 31, isang call center agent.

Nasakote sila sa M.H. Del Pilar St., Brgy. Palatiw matapos bentahan ng shabu ang isang police asset.

Nahulihan ang magkapatid ng limang plastic sachet na nag­lalaman ng shabu na nasa apat na gramo at may street value na P27,200. Nabawi rin ang P200 na ginamit bilang buy-bust money.

Samantala, tatlong katao pa ang naaresto sa hiwalay na buy-bust operation sa nasabing barangay.

Nakilala ang mga suspek na sina Rodel Darla y Coronacion, 38; Reynold Dela Cruz y Asuncion, 27, construction worker, at Frank Astrologo Jr. y Reyes, 50, welder, pawang mga residente ng Brgy. Palatiw.

Batay sa ulat ng Eastern Police District, nasakote ang tatlo bandang ala-una Linggo ng madaling-araw sa Caruncho Compound sa nasabing barangay.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong plastic sachet ng shabu na umaabot sa tatlong gramo ang timbang at nasa P20,400 ang street value. (Vick Aquino)