Abante Tonite Interactive

Mag-utol dedbol sa bumigay na dike

229

Kapwa binawian ng buhay ang magkapatid na bata nang masira ang dike sa kanilang lugar at minalas ang mga itong mahulog kahapon nang umaga sa Nueva Vizcaya .

Ang magkapatid na biktima ay kinilalang sina Justin Yadao, 4-anyos; at Kevin Yadao, 10, kapwa taga-Brgy. Macate Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay nagtungo ang magkapatid na Justin at Kevin sa dike para itapon sa gilid ng ilog ang mga pinutol na sanga ng kahoy at pagkatapos ay naisipang maglaro.

Habang masayang naglalaro ay hindi umano napansin ng mga bata na nasira ang dike kung saan kasama ang mga itong nabuwal dahilan para magtamo ang mga ito ng matinding pinsala sa ulo at katawan na nauwi sa kanilang kamatayan.

Magugunitang dalawang taon na ang nakalilipas nang itayo ang flood project ngunit dahil sa mga nagdaang bagyo ay unti-unti itong nasira hanggang sa tuluyang bumigay.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya at local na pamahalaan.