Abante Tonite Interactive

Mag-utol na lola kalaboso sa droga

157

Timbog sa anti-illegal drug operation ang isang magkapatid na lola matapos salakayin sa kanilang tahanan sa Quezon City, Martes nang madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Police District OIC PCol. Arthur Bisnar ang magkapatid na sina Carmen Estrada, 61-anyos, at Lilibeth Estrada, 59, kapwa residente ng 76-B San Isidro St., Brgy. Sto. Niño sa nasabing lungsod.

Ayon sa report, dakong alas-5:30 nang madaling-araw nang salakayin ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Galas Police Station 11 ang tahanan ng magkapatid dahil umano sa impormasyon na nagtutulak ang mga ito ng droga.

Sinabi ni Galas Police Station 11 OIC PMaj. Bernardo Pascua Jr. na kabilang ang magkapatid sa barangay drug watchlist at dating mga drug surrenderee.

Na-monitor umano ng pulisya na bumalik sa pagtutulak ng droga ang magkapatid kaya ikinasa ang drug bust operation laban sa kanila na nagpositibo.

Nahulihan umano ang magkapatid ng apat na sachet ng shabu. (Dolly Cabreza)