Abante Tonite Interactive

Magaling na aktor aning sa planeta

817

Mahirap ispilengin. Ganu’n kung ilarawan ng aming impormante ang isang magaling pa namang aktor na hindi malaman maging ng kanyang mga kapamilya kung ano ang gustong patunayan sa buhay.

Marami nang tumulong sa male personality na ito para mabago ang kanyang buhay pero hindi niya ‘yun pinahalagahan. Nagpairal siya ng katigasan ng ulo sa loob ng rehabilitasyon.

Kuwento ng aming source, “Napakahirap niyang ispilengin. Tanungin mo siya kung ano ang gusto niya, hindi niya masabi. Basta, ayaw raw niya sa lugar na wala siyang kalayaan.

“Gusto niya sa labas, nagagawa niya kasi ang kung anumang gusto niya nang walang nagbabawal sa kanya!” naiinis na kuwento ng aming impormante.

May bagong pangarap ang male personality na pinanghihinayangan ng marami dahil kakaiba ang kanyang atake sa pag-arte. Simple pero tumatalab sa puso.

Kuwento uli ng aming source, “Pangarap niyang kumuha ng kurso tungkol sa mga planeta. Astrology ang gusto niyang kurso. Pinag-aaralan daw niya kasi ang mga nagaganap ngayon sa buong mundo.

“Ang giyera, ang mga sakuna, ang mga nagaganap na kalamidad, may kinalaman daw ‘yun sa mga planetang nagkakabangga-banggaan.

“Hindi raw nagkakaisa ang mga planeta, maling-mali na raw ang posisyon ngayon, kaya ang mga nagdurusa, e, ang naninirahan sa Earth.

“‘Yun ang palagi niyang sinasabi sa mga nakakausap niya, kailangan daw malaman ng mga astrologers na may kuneksiyon sa pagkakasalansan ng mga planeta ang mga nagaganap ngayon sa mundo.

“Makakatulong daw siya ng malaki para matigil na ang mga giyera. Ang temperamento raw ng mga tao ngayon, e, may kinalaman sa mali-mali nang posisyon ng mga planeta at mga bituin.

“Namamangha na lang ang mga kakuwentuhan niya, ibang-iba na raw ang trip ngayon ng magaling pa namang umarteng male personality.

“Kailangan na daw niya ang mas malalimang gamutan. Mga planeta na kasi ang pinanghihimasukan niya,” naguguluhang pagtatapos ng aming source.
Haaaay, naku!

Luis, Raffy tinulungan ang nalapnos na balloon vendor

Nakapanglulumo ang naganap sa isang kababayan nating nagtitinda ng lobo sa kalye. Sa sobrang haba na ng kanyang nilalakad ay nahapo si Oliver Rosales, nagpahinga ito, natulog ito sa isang tabi sa ilalim ng mga paninda niyang lobo.

May isang grupo ng mga kabataang nag-trip, sinilaban ng mga ito ang pumpon ng mga lobo, nagputukan ‘yun at kumapit sa katawan ng pobreng si Oliver Rosales na lumapnos sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan pati sa kanyang ulo.

Nagkusang tumulong kay Oliver si Raffy Tulfo, agad niyang pinapuntahan sa ospital ang tindero ng lobo, sinagot niya ang mga pangangailangan nito at binigyan pa nang limampung libong piso.

Nu’ng Lunes nang hapon at pinapunta ni Kuya Raffy sa Wanted Sa Radyo ang ama ni Oliver, may magandang balita siya, may isang mapusong personalidad na magbibigay rin ng tulong para kay Oliver.

Limampung libong piso rin ang ibibigay ng isang kilalang male personality para kay Oliver pero ayaw nitong ipabanggit ang kanyang pangalan. Pero hindi tinantanan ng kanyang mga tagapakinig-tagapanood ang sikat na broadcaster. Humingi sila ng clue.

Mga artista rin daw ang mga magulang ng mapusong male personality. Ang kanyang ina raw ay isang magaling na aktres na nasa mundo na ng pulitika ngayon. Ang tawag daw sa aktres ay artista sa lahat ng panahon.

Libu-libong nakatutok sa Wanted Sa Radyo ang nag-text para ibigay ang kanilang sagot kung sino ang mapusong male personality na tumulong sa balloon vendor.

Si Luis Manzano!

“Hindi po ako ang nagsabi ng pangalan niya, ang mga netizens, pero maraming-maraming salamat sa kabutihan ng puso niya,” natata­wang pahayag ni Kuya Raffy.

Nakakatuwang malaman na nagpadala ng pampinansiyal na tulong para sa tindero ng lobo si Luis Manzano. Malayo ang mararating nang fifty thousand sa masusing gamutan na pinagdadaanan ngayon ni Oliver Rosales.

Hindi lang binibilang ni Luis Manzano ang kanyang mga blessings.

Ibinabahagi rin nito. Maraming salamat sa magandang puso ni Lucky.