Abante Tonite Interactive

Magaling na aktor palihim ang pagbibisyo

922

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Ayon sa isang impormanteng nakakuwentuhan namin ay napakahirap ng kalagayan ngayon ng isang magaling at kilalang aktor. Sising-sisi na siya sa kanyang pagbibisyo, pero kahit ang kanyang pamilya ay nagsawa na sa kanyang mga pangako, hindi na siya inaayudahan ng mga ito sa gusto niyang mangyari.

Gusto nang lumabas ng aktor para asikasuhin ang kanyang career, ipinagsisigawan na niya na hinding-hindi na uli siya magpapatangay sa kaway ng bisyo, pero parang wala nang nakikinig sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Siya rin naman kasi ang may kagagawan ng pinagdurusahan niya ngayon. Hindi naman nagkulang sa kanya ang family niya, ang mga friends niya, panay-panay ang payo sa kanya na magpakatino na siya pero may pinakinggan ba siya?

“Palihim pa niyang ginagawa ang pagbibisyo, ayaw niyang tumira sa bahay ng mga kamag-anak niya, kasi nga, libre siyang magbisyo sa bahay niya. Du’n niya pinapupunta ang mga ka-jamming niya.

“Wala nga namang makikialam sa kanila dahil bahay niya ‘yun, magagawa niya ang lahat ng gusto niya, dahil siya ang hari sa lugar na ‘yun,” napapailing na kuwento ng aming source.

Masama kuno ang loob ng male personality dahil parang nakalimutan na siya ng mga kaibigan niya. Hindi siya kinukumusta, hindi siya dinadalaw, ganu’n daw ba ang mga tunay na kaibigan?
Maraming libreng oras ang mga kaibigan niya, siguradong makahahanap ng panahon ang mga ito para siya kumustahin, pero sadyang dinededma siya ng mga ito.

“Wala siyang dapat ipagtampo, sinasadya ‘yun ng mga kaibigan niya, dahil napakatigas ng kanyang ulo. Minsan na ngang nanganib ang buhay niya, nangako siyang hindi na magbibisyo, pero ano pa rin ang ginawa niya?

“Dapat niyang matikman ang ganu’n para magpakatino na siya. Hindi siya kukunsintihin ng mga kaibigan niya!” madiin pang pagtatapos ng aming source.

‘Sina Dasal’ may tusok sa puso

Humanap talaga kami ng panahon para mapanood ang stageplay na Sina Dasal. Mapang-imbita ang mga kuwentong naririnig namin, mapuso raw ang istorya ng dulang-pang-entablado, siguradong bubugbugin ang puso mo.

Mula sa Hiraya Theater Production ang Sina Dasal na ginawaran ng pinakamataas na para­ngal ng GEMS nu’ng nakaraang taon sa pamamahala ng batambatang direktor na si Chaps Manansala.

Tusok sa puso ang tema ng dula, kailangang panoorin ito ng mga taong kinakapos na sa tiwala at pag-asa, lalo na ng mga taong nagtatago ng pagkamuhi sa puso.

Dasal-dasal lang. Walang imposible sa isang sinserong pagtawag sa Diyos. Kapag isinuko mo na ang lahat ng pinagdadaanan mo sa Panginoon ay hindi mailap ang positibong sagot.

Magaling nang singer ay mahusay pang aktres si Garie Concepcion. Ang kanyang mga galaw, ang pagdedeliber niya ng mga linya, hindi minana ng dalaga sa kanyang amang si Gabby ang talento niya.

Ang sanay na sanay lang kaming mapanood sa mahusay niyang pagsayaw na si Joshua Zamora ay may ibubuga sa pagganap. Sana’y magkaroon siya ng madadramang tagpo sa mga pinanonood nating serye, may nakatagong talento si Joshua Zamora sa pagpapaluha ng kanyang audience.

Masalimuot ang problemang pinagdadaanan ng sentrong pamilya sa dula. Nagkaanak sa pagkadalaga si Garie, naloko ng sinalihan niyang negosyo si Joshua, HIV-positive ang kanilang kapatid (na ginampanan ng magaling na aktor na si JV Cruz), nabulag ang kanilang ama at nagka-dementia ang nanay nila.

Parang ibinagsak na ng langit ang lahat ng problema sa mundo sa kanilang pamilya. Parang wala na silang pagkakataong makawala sa mga paghamon, pero may solusyon ang lahat, dasal-dasal lang.

Nagbato sila ng panalangin sa langit, kani-kanyang dasal ‘yun na may nagsusumamo, may nanunumbat, may nagagalit, na lahat ay pina­kinggan ng Diyos.

Poste ng dula ang gumanap na mag-asawang nagkahiwalay, sina Cleo Cano Decena at Vic Romano, palakpakan ang maririnig sa teatro (PETA) sa tuwing matatapos ang kanilang eksena.

Alay ni Direk Chaps Manansala ang Sina Dasal para sa kanyang inang ilang taon nang may karamdaman. Gusto niyang ikalat ang mensahe na may himalang nagaganap sa pagdarasal, may pag-asang nakalaan para sa atin kung sinsero ang ating pagtawag, tulad ng nangyari sa pamilyang tampok na muling nabuo nang dahil sa kanilang pagdarasal.

Maligayang bati sa lahat ng mga bumubuo ng Sina Dasal, sa buong produksiyon, hindi lang nila pinamangha ang manonood sa kanilang talento sa pagganap kundi muli nilang ginambulan at sinasaksakan ng suwero ng pag-asa ang mga taong gusto nang wakasan ang kanilang buhay dahil sa pag-atake ng mga problema.

Palakpakan!

Dasal-dasal lang.