Abante Tonite Interactive

Magaling na male performer niligwak ng produ

577

PLANO sanang kunin ng magkakasosyong Pinoy producers ang isang magaling na male performer para sa dalawang gabing concert sa isang nagyeyelong bansa pero sa simula pa lang ay umurong na agad ang mga show producers.

Hindi nila kakayaning mabawi ang kanilang puhunan, napakaraming hinihingi ang kampo ng male performer, hindi pa man ay iniwasan na nilang malugi nang daang libong dolyar.

Kuwento ng aming source, “Kasi naman, sobrang laki na nga ng talent fee ng male performer, e, ang dami-dami pang additional na hinihingi ang kampo niya.

“Kapag kinukuha pala ang male singer, e, kasama rin ang buong family niya. Business class ang kanilang plane ticket, five-star hotel dapat ang kailangan nilang tirhan pansamantala, bawat isa sa kanilang pamilya, e, may kani-kanyang hotel room.

Pati ang mga food na ibinibigay nila, puro pangyayamanin, hihilahod talaga ang mga show producers kung ganu’n, di ba? So, para wala na silang maging problema sa pagkalugi, hindi na lang nila itinutuloy ang pagkuha sa male performer.

“Ibang singer na lang ang kinuha nila na napakadaling kausapin ng manager. Panalo ang two-night show niya sa bansang ‘yun, punumpuno ang venue, kaya panalung-panalo rin ang mga Pinoy producers!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Aktor tumangging mag-escort sa kababayan

NU’NG nakaraang santacruzan sa kanilang bayan ay naglambing sa isang male personality ang kanyang mga dating kaklase para magkonsorte sa kanilang Reyna Elena.

Hindi naman maglalakad ang kilalang aktor, may float naman sila ng kanyang kokonsortehan, saka hindi naman katagalan ang pagparada nila dahil maliit lang ang kanilang bayan.

Pero tumanggi ang male personality, sobrang busy raw siya sa kanyang trabaho, saka baka hindi raw siya payagan ng kanyang manager kung wala siyang tatanggaping talent fee.

Kuwento ng aming source, “Nu’ng pauwi na ang grupong personal na nag-invite sa kanya, e, wala silang kibuan sa van. Para silang namatayan. Hindi kasi nila ine-expect na ganu’n pala ang maririnig nila mula sa dati nilang kaklase.

“Pahiyang-pahiya sila sa mga sarili nila, para kasing ibang tao sila habang kausap nu’ng male personality, parang wala silang pinagsamahan nu’ng mga estudyante pa lang sila.

“Naalala nila, nangongopya lang sa kanila nu’n kapag exam nila ang male personality. Hindi naman daw siya bobo, pabaya lang sa pag-aaral niya.

“Mula nu’n, hinding-hindi na nila inimbita ang male personality sa kahit anong okasyon sa town nila. Mahirap na nga naman, baka tanggihan na naman sila kung walang talent fee.

“Ang name ng male personality, e, apelyido ng isang foreign singer. ‘Yun lang!” pagtatapos ng aming source.

Hindi dyowa: Kris caregiver ang hanap

PINAGPISTAHAN ng mga bashers ang panawagan ni Kris Aquino sa kanyang Facebook account tungkol sa gusto niyang maging karelasyon.

Ang edad na kanyang hinahanap ay 41-55 years old. Kailangang walang sabit, annulled na dapat ito, legally separated at divorced na.

Puro sa linya ng medisina ang kanyang hinahanap, isang doktor na ang espesyalisasyon ay sa allergies, neurologist, anesthesiologist o kaya’y cardiologist.

Sabi ng isang basher ni Kris, “E, hindi naman pala boyfriend ang hinahanap ng babaeng ‘yan, kundi caregiver!”

Reaksiyon naman ng isa ay may gagawin na raw pelikula ang aktres-TV host, remake daw ng “Palimos Ng Pag-ibig”.

Kasi naman, naman!