Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magalong napikon sa mga dugyot na tsuper

0 113

Nainis si Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos madiskubre na dugyot ang mga drayber ng public utility vehicle pati na mga trak na pumaparada sa lungsod.

Sa ulat, hindi naitago ni Magalong ang inis dahil naging mapanghi at marumi ang mga lay-by o inilaan na paradahan ng mga sasakyan sa Baguio City para sa mga drayber.

“Nandun `yong mga jeepney, nandun `yong mga van, pag-alis parang basura. Tapos ang paghi-panghi pa. Kaya wina-warningan ko sila, this will be the first and last warning, we can no longer tolerate it,” ani Magalong.

Ayon sa alkalde, nakatanggap ng mga reklamo ang pamahalaang lokal ng Baguio City tungkol sa marumi at mapanghing paradahan ng mga sasakyan sa siyudad.

Aniya, kung hindi susunod ang mga drayber sa kanyang babala ay posibleng maapektuhan ang ruta o biyahe ng mga ito.

“Doon sila mag-park sa Kennon Road, o mag-park sila diyan sa Marcos Highway o sa Naguilian, not in the city of Baguio,” sabi ni Magalong.

Ipinahayag naman ng Baguio City Police Office na babantayan nila ang mga inilaang paradahan para sa mga sasakyan. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.