Abante Tonite Interactive

Magbayad ng inheritance o estate tax

1,030

Dear Atty. Claire,
Good day po. May nabili ako na lupa, actually ‘di ko pa nababayaran nang buo pero malapit ko na mapuno ng bayad at papagawan ng deed of sale. Walang maipakita sa akin na titulo ang nagbenta pero pina-check ko sa registry of deeds at may titulo na nga po ‘yung lupa at mother title pa na nakapangalan sa lolo ng nagbenta sa akin at ‘di lang naire-release o napa-process dahil sa issue sa tax.

Ang hawak lang ng may-ari na nagbenta ay judicial partition w/ waiver of rights at pirmado na ng lahat ng ibang mga heirs.

Gusto ko po sana mapatituluhan ‘yung lupa sa pangalan ko kaso ang sabi sa akin sa assessors office na kaila­ngan bayad lahat ng tax pati ‘yung tax ng ibang mga lupa. Ang problema ay may katagalan nang ‘di nababayaran ang mga tax, ‘yung lupa na binibili ko ay maliit lang naman ang tax kaso ‘yung sa ibang lupa ay malaki-laki at ‘di ko naman kayang sagutin ‘yun o kahit nu’ng sa may-ari na nagbebenta sa akin kaya hanggang ngayon kahit ‘yung mga heirs ng namatay ay wala pang kanya-kanyang titulo na hawak sa mga lupa nila. Paano po kaya ang magandang gawin kapag ganu’n ang sitwasyon? May pepwede pa po ba akong magawa para mapatituluhan na sa pangalan ko ‘yung lupa na binibili ko? Hingi lang po ako advice. Sa­lamat po. – Emmanuel

Abante Hiring – IT dep

Mr. Emmanuel,

Bago mo mapatituluhan iyan sa pangalan mo ay dapat na mabayaran ng mga heirs o tagapagmana ang inheritance o estate tax dahil hindi ito mase-settle kapag hindi pa bayad sa BIR ang mga tax para mailipat nang tuluyan ito sa iyo.

Pangalawa, kung sinasabi mo na mother ­title pa ito ay kakaila­nganin mo rin na malaman mo kung saan ba ang lupang binili mo dahil baka luma­labas na undivided portion lamang ang nabili mo at hindi pa nasabi kung anong partikular na sukat at anong bounda­ries ng nabili mong lupa.

Pangatlo, dapat na magkaroon ng Tax Clearance mula sa Assessor’s Office na ang ibig sabihin ay dapat na walang utang na amilyar o real property tax ang nabanggit na ari-arian. Binabayaran ito sa Local Assessor’s Office at hindi sa BIR.

Ang dapat mong gawin ay kausapin ang seller mo at sabihin na ang natitirang pera na nasa iyo pa ay gagamitin mo na pambayad sa lahat ng buwis na kailangang bayaran upang mailipat sa iyo ang lupa. Dapat niya namang kausapin ang lahat ng mga kamag-anak o heirs para mala­man na ang pagbaba­yad ng buwis ay kukunin mula sa kanyang napagbentahan at dapat na bayaran ang mga ito pro rata o ayon sa kanya-kanyang share. Kapag hindi ito magagawa ay siguradong mahihirapan ka at mahihirapan din naman ang lahat na mailipat ito sa bawat heir kaya mas magandang pag-usapan upang maisaayos ang lipatan nito.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.