Abante Tonite Interactive

Magdyowa swak sa P3.4M shabu

263

Swak sa kulungan ang isang magdyowa matapos arestuhin nang makumpiskahan ng P3.4 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Brgy. Manggahan, Pasig City Linggo nang madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Police District director PBGen. Joselito Esquivel Jr. ang mga naarestong suspek na sina Mark Kim Cudia, 28, miyembro ng Bahala na Gang, taga-Brgy. Kaunlaran, Cubao, at Patricia Jane Dayta, 19, ng San Juan City.

Dakong alas-singko ng madaling-araw nang masakote sina Cudia at Dayta ng pinagsanib na puwersa ng Cubao Police Station 7, Eastern Police District, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Kaginhawahan St., kanto ng Kaagapay St., Karangalan Village, Brgy. Manggahan.

Naaresto ang dala­wa bunga umano ng naunang buy-bust operation na isinagawa ng QCPD dakong alas-11:00 nang gabi kamakalawa sa isang apartment sa Aurora Boulevard, Brgy. Kaunlaran na nagresulta sa pagkakadakip sa dala­wa pang suspek na sina Joy Cabacungan alyas Madam, 37, at Reynaldo Apostol, 33, na nahulihan ng 15 pakete ng shabu.

Sa interogasyon, itinuro ng mga suspek si Cudia na siyang source ng kanilang droga.

Agad ikinasa ang panibagong buy-bust operation at bumili ng P20,500 halaga ng shabu mula kay Cudia, na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya at sa kasabwat na si Dayta.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 500 gramo ng shabu na may estimated street value na P3,400,000, digital weighing scale, isang Suzuki Raider motorcycle at narekober din ang buy-bust money.

Sa imbestigasyon, natukoy na si Cudia ay una nang naaresto noong 2017 sa kasong iligal na droga ngunit nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining­ noong Nobyembre 2018. (Dolly Cabreza)­