Abante Tonite Interactive

Magdyowang turista hinoldap sa paligid ng NAIA

603

Tinutukan ng patalim at sabay na hinoldap ang magkasintahang American national ng hindi pa nakikilalang rider kahapon nang madaling-araw sa Pasay City.

Nanginginig at nanghihina pa nang dumulog sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police ang mga biktimang sina Liam Dickhardt, 20, ng Breakwater Way, Oxnard, California at ang nobya nitong si Jewel Miller, kapwa estudyante upang i-report ang insidente.

Sa report ni Police Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police naganap ang insidente alas-2:20 nang madaling-araw (Hulyo 11) sa bandang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4 sa Domestic Road, Brgy. 191, Pasay City.

Ayon kay Yang, naglalakad ang magkasintahang dayuhan nang sumulpot ang motorsiklong walang plaka na sakay ang isang lalaki.
Pagdaka’y tinutukan ng rider ng patalim ang mga biktima sabay deklara ng hold-up.

Sa takot ay ibinigay ng magdyowang Amerikano ang kanilang back pack na naglalaman ng passport, black Iphone cellphone, sunglass, P10,000.00 cash at $200 bago mabilis na tumakas ang rider.

Nagkasa man ng follow-up operation ang mga pulis ay ‘di na nahuli ang mga suspek. (Armida Rico)