Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maging mabuting ehemplo

0 110

Hindi nakalusot kay Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar ang isyu hinggil sa hindi pagsusuot ng face shield ng isang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) habang nagpapatupad ng quarantine protocol.

Lumaki ang isyu matapos mag-viral ang video kung saan isang pulis sa QCPD Station 16 ang nagbibigay ng resibo ng ordinance violation na walang face shield pero ang pulis na kausap ay hindi din nakasuot ng face shield.

Hindi rin pinansin ng pulis ang reklamo ng kanyang tiniketan na siya mismo ay lumalabag sa ordinansa dahil wala itong face shield.

Ang isyung ito ang nagpairita sa PNP chief at iginiit nitong ang mga pulis ang tagapagpatupad ng batas kaya’t dapat nangunguna sa pagsunod o nagiging mabuting ehemplo.

“How will civilians follow the rules and regulations or ordinances if our law enforcers do not?” tanong ng pinuno ng PNP.

Sabi tuloy ni General papaanong seseryosohin ang mga regulasyong ipinatutupad ng mga awtoridad kung mismong mga pulis ay makikitang hindi sumusunod.

Sa ginawang hakbang ni PNP Chief ipinakita lamang nito ang kahalagahan ng disiplina sa kanilang hanay na siyang pangunahing kailangan para maging isang mabuting pulis.

Hindi nga naman makukuha ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan kung makikitang nangunguna ang mga ito sa paglabag sa batas.

Kaya dapat seryosohin ang pagpapatupad ng batas para sumunod din ang mga tao.

Muling binigyang-diin ng Heneral na hindi nito kailanman ito-tolerate ang mga pulis na lumalabag sa mga batas at hindi maayos ang pakikitungo sa kababayan.

Ang pangyayaring ito ay swak sa inilunsad na QR Code ng PNP kung saan ay walang palakasang magaganap sa mga papasok na miyembro ng PNP.

Kadalasan kasi kapag may kapit na opisyal o kung sinomang politico ay lumalabas ang tunay na hilatsa ng isang pulis.

Kaya sa bisa ng QR Code wala ng palakasang mangyayari at mga karapat-dapat na pulis ang makakapasok sa ating Pambansang Kapulisan na siyang pangunahing misyon ni General Eleazar kaya pinursige nya ang nasabing Sistema ng recruitement.

Pero huwag namang mag-alala ang mga matitinong pulis dahil hinding-hindi nya hahayaang bastusin ang mga ito ng mga taong hindi kumikilala sa batas at gumagamit ng impluwensiya ng kung sino-sinong nasa poder.

Kaya sa mga pasaway sa PNP, tumiklop na kayo dahil hinding-hindi kayo uubra sa kasalukuyang pinuno ng ating Pambansang Kapulisan na isa sa ipinaglalaban ay linisin ang kanilang hanay mula sa mga bulok na miyembro at magbigay ng todong serbisyo sa publiko.

Leave A Reply

Your email address will not be published.