Abante Tonite Interactive

Maging malusog sa 2019

BREAK A LEG!

By
201

Sa pagsisimula ng 2019 natural lang sa bawa’t isa, bata man o matanda na magkaroon ng “goal” na dapat isa­gawa.

Ang tawag ng marami ay “New Year’s Resolution.”

Tiyak isa sa mga nasa listahan ay ang pagkakaroon ng magandang kalusugan.

Subalit sa panahon ngayon hindi kasiguraduhan na ang isang “health conscious” ay “malusog” na.

Malaking hamon sa pamilya at gobyerno ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ng mga tao.

Sa lungsod man o kanayunan ang banta ng polusyon mula sa mga nakalalasong kemikal ay hindi na bangungot, isa na itong katotohanan.

Kung sa Metro Manila at iba pang mga lungsod ay nakakaalarma na ang lebel ng maru­ming hangin, ang mga kanayunan naman lalo na ang mga bukirin ay “nalalason” na rin.

***

Kahit anong pag-iingat ang gawin para magkaroon ng malusog na pangangatawan, walang kasiguraduhan na ang kinakain ng mga tao ay hindi kontaminado ng mga kemikal tulad ng “herbisidyo at pestisidyo.”

Ginagamit ang mga kemikal na ito para masiguro ang magandang ani ng mga magsasaka.

Dahil malaking usapin ang “food security” ng isang bansa, natuklasan ang tinatawag na “genetically modified organism” sa mga pagkaing-agrikultural.

“Insect at pest resistant” ang mga tanim na ito, tulad ng mais at talong.

Isa pa itong banta sa kalusugan ng mga tao.

Ang produktong GMO ay gumagamit ng herbisidyong pumapatay ng lahat ng damo kahit na halamang katabi nito.

Ang hinahayaan lamang ng herbisidyo na mabuhay ay mga punla o binhi na “genetically altered”.

***

May isang kaso ng “herbicide poisoning” sa Estados Unidos na naging kontrobersiyal.

Isang ‘high school gardener’ ang inihabla ang kompanyang Monsanto dahil nagkaroon ng malubhang sakit resulta ng matagal na ‘exposure’ sa paggamit ng herbisidyong “roundup weedkiller.”

Pinagbabayad ng isang korte sa California ang Monsanto na nga­yon ay kontrolado na ng kompanyang Bayer.

***

Ang herbisidyong “roundup weedkiller” na gawa ng Monsanto ay ginagagamit din ng mga magsasakang Pilipino.

Ayon nga sa grupong Masipag, may ilang insidente na silang naitatala na ang magsasaka sa rehiyong Visayas na nagtatanim ng mais ay nakaranas ng sakit na maaring may kaugna­yan sa sobrang “exposure” sa “roundup weed killer”.

Sa mithiin ng mga ‘ corn farmer” na magkaroon ng malaking kita nagtatanim na ngayon ang mga ito na “genetically modified “ na mais, talong at iba pang mga gulay. Pinagaaralan na rin ngayon ang pagkakaroon ng GMO na bigas.

***

Hangang sa ngayon ay mainit pa rin ang debate sa teknolohiyang ito may kinalaman sa pagkain.

Ang pagkaing ito ay resulta ng pagsasaliksik sa larangang ng ‘genetic engineering’.

Ang “GMO” ay bahagi na rin sa pang-araw-araw na pagkain ng mga Pilipino.

Sa mga nagsusulong ng teknolohiyang ito, sila ay naniniwala na ito ang sagot sa ‘food requirement’ ng lipunan sa hinaharap.

Sa mga kontra, delikado ito sa kalusugan ng mga tao, at banta sa kapaligiran at kalikasan dahil sinisira ang ‘ natural habitat’ ng mga insekto na kailangan sa pagpapanatili ng balanse sa kapaligiran.

***

Habang mainit ang pagtatalo ng mga eksperto, sa Pilipinas ang mga pagkaing Pinoy ay may sangkap na mula sa GMO.
Ilan sa mga ito ay hotdog, keso, kape, fruit juice, corned beef, itlog at iba pa.

Mayroon itong tinatawag na ‘Textured Vege­table Protein” resulta ng GMO.

Habang may debate hindi ba dapat itigil muna ang pagkakaroon ng TVP sa almusal ng mga Pilipino.
Paano kung mayroon talagang negatibong epekto sa kalusugan ng mga tao?