Abante Tonite Interactive

Maging responsable

155

Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa netizens na itigil na ang pagpo-post at pagsi-share sa social media ng impormasyon hinggil sa planong pambobomba sa isang kilalang mall sa bansa.

Isang statement ang kumakalat ngayon sa social media kaugnay sa umano’y natanggap na tawag sa telepono ng mga opisyal ng isang kilalang mall sa bansa mula sa mga bandidong Abu Sayya­f Group (ASG) na humihingi ng pera.

Kasabay ng pangingikil ay nagbabanta ang grupo na kapag hindi nagbigay ay pasasabugin ang mga malls nito na nakakalat sa buong bansa.

Ang panawagan ay ginawa ng kapulisan matapos makumpirma sa pamunuan ng mall na walang ganitong insidente.

Maging ang pamunuan ng mall ay nagpahayag na isa lamang ‘hoax’ ang kumakalat na police memo, kaugnay sa nasabing pag-atake ng ASG.

Nakakabahala talaga ang ganitong klaseng mga impormasyon­ kaya mahalagang maging­ maingat­ ang bawat isa sa pagpo-­post sa social media lalo na sa ganitong mga balita dahil ­matinding takot ang hatid nito sa publiko.

Napakabilis kumalat ng mga impormasyong ipino-post sa social media kaya matindi ang epekto nito sa mga naaabot ng ipinapakalat na hindi beripikadong mga balita.

Kaya mahalagang pairalin natin sa lahat ng pagkakataon ang pagiging responsable sa bawat ipino-post nating mga impormasyon para wala tayong nalilikhang pangamba sa ating mga kababayan.

Ayon nga sa madalas na paalala sa social media “think before you click”, paalalang dapat na hindi kinakaligtaan ng netizens.