Abante Tonite Interactive

Maging tapat sa COVID-19 crisis -Alden

0 876

NI: ROLDAN CASTRO

Isang public service announcement ang ibinahagi ni Asia’s Multimedia Star Alden Richards sa lahat ng kanyang followers para labanan ang banta ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Instagram post, hinikayat ng Kapuso star ang lahat na maging tapat sa kanilang medical at travel history kung kokonsulta sa doktor.

Aniya, “Hinihikayat po tayo ng Department of Health na sana po maging totoo po tayo, maging honest po tayo sa mga tanong, question, at requirements po para malaman natin kung positibo ba tayo o hindi sa COVID-19. Please disclose every travel history, exposure to the virus, kung meron man po kayong nakahalubilo o nakasalamuha na merong merong COVID-19. Sana po ay ipagbigay-alam po natin ito agad sa mga kinauukulan. Kasi hindi lang po buhay ninyo ang maaaring mailigtas, makakapagligtas pa po kayo ng maraming kababayan natin.”

Ang panawagan na ito ng host ng Centerstage ay tugon na rin sa pakiusap ng ating mga frontliners na nalalagay ang buhay sa panganib dahil sa maling impormasyon na ibinabahagi ng mga pasiyenteng positibo pala sa coronavirus. Kaya naman, nakiusap si Alden na mas kailangan nating lahat na maging tapat at maingat lalo sa panahon ngayon na ating kinakaharap.