Abante Tonite Interactive

Maging tourism friendly

249

Marami-rami na rin akong lugar na napas­yalan kaya hindi natin maiwasang ikumpara ang ating bansa sa mga ito.

Katulad na lamang sa Australia kung saan ay mapapansin ang patuloy na pag-asenso.

Pero siyempre hindi natin ito maaaring ikumpara sa Pilipinas pagdating sa yaman dahil ‘di hamak naman silang asensado sa atin bukod pa sa sobrang lawak nito.

Bagama’t mahirap pagkumparahin ang dalawang bansa ay nakitaan ko ng mga bagay na maaari silang pagkumparahin na sa tingin ko ay kaya naman nating gawin kung gugustuhin lang ng gobyerno.

Kanya nga lamang ay talagang malayong-malayo sa kalakarang umiiral sa ‘Pinas.

Isa dito ay ang pagiging bukas sa common na tao at maging mga turista ang Parliament House kung saan matatagpuan ang tanggapan ng kanilang prime minister, at mga miyembro ng Senate at House.

Oo kailangan mong dumaan sa mga nakatalagang security detail sa entrance ng House of Parliament para masigurong wala kang masamang balak sa pagpasok mo sa gusali.

Anyway, ang ganito namang kalakaran ay normal sa bawat tanggapan.
Kaya naman laking tuwa ko nang malaya akong makapag-ikot sa House of Parliament kasama ang ilang kaanak na Australian citizen na nagsilbi naming tourist guide.

Malayong-malayo sa kalakaran sa ‘Pinas na tila kailangan mong dumaan sa butas ng karayom at humingi ng permiso sa kinauukulan bago ka makapasok sa Malacañang, Senado at Kongreso.

Kaya tuloy bibihirang maging parte ng itinerary ng mga turista ang pagbisita sa tatlong pangunahing tanggapan ng ating gobyerno dahil sa kanilang pagiging istrikto na wala sa lugar.

Ang tanong, bakit hindi natin kayang buksan o ilapit sa common na tao ang mga tanggapang ito gayung galing naman sa ibi­nabayad na buwis ng taumbayan ang lahat ng ginagastos sa ope­rasyon ng mga opisinang ito gayundin ang mga politiko at kanilang mga tauhan?

Hindi kaya dahil maraming itinatagong kalokohan kaya ganun na lamang ang pagi­ging mailap ninyo?

Huwag naman dahil bawas pogi points ito para sa Pilipinas na todo effort at paggastos sa paghagilap ng mga turista.

Galaw-galaw lang sa mga bulok na polisiya para naman maging tourist friendly ang ‘Pinas. Hindi iyong sa airport pa lang ay nililigalig na ang mga turista ng mga tiwali sa airport.