Abante Tonite Interactive

Magkahalintulad na wakas ng pag-ibig ng dalawang homosexual

By
165

Hindi na nakapalag si Jayson nang magpakilala bilang police investigator si Insp. Valdez at sa pamamagitan ng diplomasya at pangakong tulong upang hindi siya masadlak sa piitan, sumang-ayon ang dayuhan na ituro kung saan niya dinala ang bangkay ni Barbie.

Unang sinabi ni Jayson sa pulisya na dinala niya ang bangkay sa bahagi ng Coastal Road sa bahagi ng Las Piñas city su­balit pagsapit nila sa Cavite Expressway sa Bacoor, Cavite, dito na nila napansin ang police line at traffic enforcer na nagmamando ng trapiko.

Kaagad na nagsagawa ng pagsisiyasat si Insp. Valdez at sa bibig na rin ng traffic enforcer niya natuklasan na may natagpuang bangkay na nakasilid sa malaking maleta sa lugar. Isang kabataang lalaki na naghahanap ng mapapakinabangan sa gilid ng highway ang nakakita sa ginawang pagtatapon ng maleta ni Jayson na una niyang inakala na mapapakinabangan.

Sinabi ni Insp. Valdez sa TUGIS na sa La Piñas Funeral Homes na niya nakita ang bangkay ni Barbie na nakapaloob pa sa binuksang maleta at dito rin niya natuklasan na hindi pa ganap na babae ang biktima.

Kaagad na tinawagang muli ni Insp. Valdez si Mang Ariel upang ipabatid na ang nangyari sa kanyang step son at mula sa kanilang tirahan sa Mabalacat, Pampanga, nagtungo sa naturang punerarya ang pamilya upang positibong kilalanin ang bangkay ng biktima.

Sinabi pa ni Valdez na dahil nagkatugma-tugma na ang mga ebidensiya laban kay Jayson, mula sa nakuha nilang kuha ng CCTV, pagkakatuklas sa bangkay, ang positibong pagkilala rito ng pamilya pati na ang personal na pag-amin sa kanya ng dayuhan, kaagad niyang inaresto at binasahan ng kanyang karapatan ang suspek.

Ipinagbigay-alam din ni Insp. Valdez sa Embahada ng Tsina ang ginawa nilang pagdakip kay Jayson matapos ang ginawang krimen bilang isa sa umiiral na panuntunan kapag dayuhan ang sangkot sa krimen.

Sa ginawang panayam ng mga mamamahayag kay Jayson sa loob ng detention cell ng Pasay city police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) inamin niya ang nagawang pagpaslang matapos magdilim aniya ang kanyang paningin nang tangkain siyang saksakin ng biktima.

Nagsimula aniya ang kanilang mainitang pagtatalo matapos humingi sa umano kanya ng P300,000 si Barbie gayung dalawang ulit na siyang nakapagbigay ng pera sa kasintahan isang araw bago mangyari ang kanilang pagtatalo.

Araw aniya ng Huwebes noong Hunyo 2, 2016 nang humingi sa kanya ng P3,000 ang kasintahan at kaagad na sinundan ito ng paghingi ng P4,000 na kanyang pinagbigyan dahil na rin sa labis niyang pagmamahal sa biktima.

Madalas aniyang humingi sa kanya ng pera ang kasintahan kayat nang humirit muli ng napakalaking halaga, tinanggihan na niya dahil wala siyang ganung kalaking halaga na naging dahilan upang magalit sa kanya si Barbie.
Humantong aniya sila sa mainitang pagtatalo at dahil galit na galit sa kanya ang kasintahan, kumuha na ito ng patalim at iwinasiwas sa kanya. Nang tangkain na aniya siyang undayan ng saksak, dito na nagdilim ang kanyang paningin at puwersahang inagaw ang patalim at sinakal ang kasintahan.

Nagsisigaw aniya si Barbie subalit hindi na niya ito naririnig dahil sa sobrang galit kaya’t hindi na rin niya halos namalayan na naundayan na pala niya ng saksak sa leeg ang kasintahan.