Abante Tonite Interactive

Magkahalintulad na wakas ng pag-ibig ng dalawang homosexual

223

Tumayo bilang pribadong abogado ng pamilya Laude si Atty. Harry Roque habang pangunahing abogado naman ng kampo ni Pemberton si Atty. ­Rowena Garcia Flores.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis, iniharap ng tagausig sa korte ang mga ebidensiya at mga testigo, kabilang na ang kaibigan ni ­Jennifer na si Barbie, ang medico-legal doctor na nagsasagawa ng awtopsiya sa bangkay, mga dayuhang forensic experts, apat na sundalo ng US Marine na kinabibilangan nina Lance Cpl. Jairn Michael Rose, Sgt. Daniel Pulido, Lance Cpl. Bernett Dahl at Cpl. Christopher Miller at iba pa, pati na ang ina ni Jennifer.

Agosto 24, 2015 nang paharapin ng korte sa witness stand ang pangunahing akusadong si Pemberton at inamin niya na nagawa niyang sakalin si Jennifer upang idepensa lamang ang kanyang sarili nang magkaroon sila ng pagta­talo matapos niyang matuklasan na hindi tunay na babae ang biktima.

Sinabi pa niya na ipinasya niyang dalhin sa banyo ng lodging inn si Jennifer nang mawalan ng malay upang isalba ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbuhos ng tubig.

Nang matapos ang pagharap ng mga testigo sa witness stand, itinakda ng korte ang pagsusumite ng magkabilang kampo ng kani-kanilang memoranda noong Setyembre 17 bagama’t humirit ang depensa na pansamantala munang ibimbin ito hanggang itakda na ni Judge Roline Ginez-Jabalde ang paglalabas ng hatol ng Nobyembre 24.

Muling humirit ang depensa na ibimbin muna ang paglalabas ng hatol laban kay Pemberton dahil hindi makakadalo ang mga abogado ng akusado bunga ng iba pang mga dadaluhang ibang kaso.

Disyembre 1, 2015 nang ibaba ng hukuman ang hatol na “guilty” sa kasong homicide at hindi murder kay Pemberton at pinatawan siya ng pagkabilanggo ng mula anim hanggang 12 taong pagkabilanggo at pagbabayad sa pamilya ng napaslang ng halagang $84,862 na katumbas ng mahigit P4 milyon.

Una’y iniutos ng hukom na ikulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa si Pemberton su­balit nang malaman na may nabuo nang kasunduan sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Embahada ng Estados Unidos at Visiting Forces Agreement (VFA) Commission na sa oras na mapatunayang nagkasala ang sundalo na ipipiit siya sa isang pasilidad na itinakda batay sa kasunduan, binawi ng korte ang unang utos.

Nang humirit ng motion for reconsideration ang kampo ni Pemberton sa Mababang Hukuman kaugnay sa ibinabang hatol, ibinasura ito ng korte noong Marso 29, 2016 bagama’t ­ibinaba na lamang sa 10-taon ang pinakamatagal na panahong gugugulin niya sa loob ng ­bilangguan.

Abril 18, 2016 nang umapela si Pemberton sa Court of Appeals (CA) na baligtarin ang naging hatol ng Mababang Hukuman sa paniwalang nagkamali ang hukom sa pagbaba ng hatol lalu na’t idinepensa lamang niya ang sa­rili, dignidad at sariling respeto matapos niyang matuklasan na lalaki rin pala na tulad niya si Jennifer.