Abante Tonite Interactive

Magkahalintulad na wakas ng pag-ibig ng dalawang homosexual

By
164

Mayo 7, 2016 nang magpasiya si Barbie na tanggapin ang alok na pag-ibig ni Jayson at sa condominium na rin siya ng dayuhan nanuluyan batay na rin sa maigting na panghihimok sa kanya ng kasintahan.

Batid ni Barbie ang totoong pagmamahal na iniuukol sa kanya ni Jayson lalu na’t ninais pa ng dayuhan na makilala ang kanyang ina at amain, pati na ang iba pa niyang kaanak sa kanilang lalawigan sa Mabalacat upang patunayan na malinis ang kanyang hangarin.

Maging ang mga partidos ni Barbie ay walang pag-aalinlangan sa ipinakikitang pagmamahal ni Jayson lalu na’t naipagkakaloob ng dayuhan ang mga materyal na bagay na kadalasan umanong hinihingi ng kasintahan.

Inakala ng ina, amain at mga kapatid ng homosexual na nakakita na ng tamang pag-ibig si Barbie sa katauhan ni Jayson kaya’t kampante na sila kahit sa condominium pa ng lalaki manirahan ang pambato nila sa mga gay beauty contest.

Gayunman, noong Hunyo 4, 2016, nakatanggap ng tawag si Ariel Tayag, amain at ikalawang asawa ng ina ni Barbie mula kay Insp. Allan Valdez ng Pasay Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) na nagtatanong kung may kilala siyang William Del Rosario na nakalagay sa isang resibo ng LBC na nakita sa loob ng condominium ni Jayson.

Kinabahan kaagad ang amain ni Barbie at tinanong kung ano ang nangyari sa anak ng kinakasama kasabay ng paliwanag na homosexual si Del Rosario at kilala sa bansag na Barbie.

Hindi masabi ni Insp Valdez kay Mang Ariel kung ano ang nangyari dahil hindi pa nila napapatunayan ng oras na iyon na kay Barbie nga ang dugong nagkalat sa loob ng silid.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Pasay police makaraang makatanggap ng tawag sa telepono mula sa pamunuan ng Shell Residences kaugnay sa natuklasan ng kanilang officer-in-charge ang tigmak ng dugo sa loob ng silid na inookupa ni Jayson.

Sinabi ni Insp. Valdez sa TUGIS na nagsasagawa ng routine inspection sa ika-11 palapag ng naturang condominium si Noli Manlolo dakong alas-4 ng madaling araw noong Hunyo 4, 2016 nang mapansin niya na bahagyang nakaawang ang pintuan ng silid na inookupa ni Jayson.