Abante Tonite Interactive

Magkakakontra ang impormasyon

10

Kinontra ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaya nahihirapan ang gobyerno na sugpuin ang iligal na droga sa bansa ay dahil 9,000 mga miyembro ng PNP ay sangkot sa illegal drugs.

Paglilinaw ng PNP chief, hindi sa kanilang tanggapan nanggaling ang impormasyong ibinahagi ni Pangulong Duterte na may 9,000 pulis ang sangkot sa iligal na droga.

Maaring sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Armed Forces of the Philippines (AFP), civilian intelligence at iba pang ahensya ng gobyerno na tumutulong sa kampanya kontra iligal na droga ito nanggaling, paniwala ng PNP chief.

Ang sa amin, hindi na isyu kung saan nanggaling ang impormasyong may libu-libong mga pulis pa ring sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Ang importante ay natisod ang impormasyong ito para beripikahin upang sa gayun ay maaksyunan.

Ang panawagan natin sa PNP para hindi mauunahan sa impormasyon ng Pangulo ay seryosong magtrabaho.

Alamin ang tunay na estado ng kanilang mga tauhan upang hindi nalulusutan ng ganito kasensitibong impormasyon.

Nauunawaan natin ang sentimyento ng PNP pero, walang apoy kung walang usok.

Kaya sa pamunuan ng PNP ang ating panawagan, alamin muna ninyong mabuti ang lagay ng inyong mga tauhan bago kayo magdeklarang mali ang pahayag ng Pangulo.

Hindi kami sang-ayon sa inyong palusot na maaring nadadamay lamang ang iba sa kalokohan ng kanilang mga kabaro.

Para walang ganitong haka-haka, dapat wala kahit isang tauhan ng PNP ang masangkot sa iliga na droga dahil kasiraan ng isa ay kasiraan ng buong hanay ng kapulisan.