Abante Tonite Interactive

Magkano ang gastos sa isang PBA import?

1,673

Mula noong nag-umpisa ang Philippine Basketball Association, meron nang mga ­import na galing ­Estados Unidos.

Naalala ba natin sila Andy Fields ng ­Toyota, Billy Ray Bates ng ­Crispa, Bobby Parks at John Best ng Shell, Sean Chambers ng ­Alaska, Kenny Travis ng San Miguel, at marami pang iba?

Itong mga import ay nagbibigay ng kasiyahan at excitement sa pinakamatandang propesyunal na liga sa Asia, ang PBA. Kung wala sila, nakakasawa din kung lagi na lang “All-Filipino” ang liga.

Ngunit marami rin ang nagtatanong kung malaki nga ba ang ginagastos ng mga koponan sa pagdala ng isang import dito sa ating bansa?
Oo naman, malaki.

Sa aking experyensiya sa pagdala ng imports sa aking koponan noong araw, ito ang aming ginagastos.

Una, siyempre tatawagin mo ang iyong import scout sa Amerika. Noong araw, ang mga sikat na scout ay si Bobby Rius na nakabase sa Southern California, at si Sonny Unera, na nakabase sa East Coast.

Sasabihin mo sa kanila kung ano’ng gusto mong import na babagay sa iyong koponan. Gusto mo ba ng malakas na rebounder, pure shooter o isang point guard na maga­ling magdala ng bola?

Maghahanap ang scout at kapag nakahanap siya ng import, babayaran mo ng $10,000 ang scout. Ngayon yata, kapag kumuha ka ng import sa NBA D League, magbabayad ka ng $40,000.

Dati, marami kang makukuhang magaga­ling na import kasi tayo lang sa Pilipinas ang may import. Ngayon, halos lahat ng bansa ay naghahanap ng import.

Kapag may nakuhang import, aayusin mo ang kanyang pamasahe sa airline. Kadalasan, magre-request ang import ng Business Class ticket kasi hindi siya magkasya sa economy.

So ang pamasahe niya, aabot ng mga $3,000. Pagdating niya dito, pag-uusapan n’yo ang suweldo.

Dati, ang suweldo nila ay mula $10,000 hanggang $20,000, ­depende sa galing.

Pag-uusapan din ninyo ang bonus na matatanggap niya, katulad ng win-game bonus na $1,000. Kada panalo, tapos ‘yung bonus kapag nakatuntong sa semis (25% ng suweldo sa isang buwan), sa finals (50%) at kapag nagkampeon ang koponan (100%).

At siyempre, ‘yung gastos niya sa condo, driver, kasambahay at kung ano-ano pa.

So alam na ninyo. Hindi biro ang magdala ng isang import para maglaro sa PBA.