Abante Tonite Interactive

Magkapatid na pumatay sa NU student isinuko ng magulang

2,507

Isinuko na sa pulisya ng kanilang magulang ang magkapatid na suspek sa pagkamatay ng isang 19-anyos na estudyante ng National University (NU) sa labas ng isang bilyaran sa Sampaloc, Maynila noong Marso 7 ng madaling-araw.

Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, dinala kamakalawa ng gabi sa kanilang tanggapan ang magkapatid na sina Ariel (‘di tunay na pangalan), 16-anyos, at Eiffee de Guzman, 19-anyos.

Nabatid na dinala na rin sa Manila Prosecutor’s Office kahapon ng umaga ang magkapatid para sa kasong murder na isinampa laban sa kanila.

Pero nakatakdang dalhin sa Lunes ang menor-de-edad na suspek sa Reception Action Center para doon manatili.
Sinabi diumano ng magkapatid na nag-ugat ang kaguluhan dahil lamang sa “masamang tingin”.

Samantala, napag-alaman na nakatakda na umanong ilibing sa Miyerkoles ang biktimang si Daniel Hernandez na taga-Rodriguez, Rizal.