Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magkapatid tinaga kapitbahay, utol tigok din

0 91

Dahil sa matagal nang away, patay ang isang 36-anyos na lalaki at isa sa magkapatid nang pagtatagain ng isang mag-utol ang kanilang kapitbahay sa Carmona, Cavite, Biyernes ng hapon.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Junifer Datanagan ng Barangay Lantic, Carmona subalit iniulat na namatay din sa ospital si Rolly Cristobal, 40, habang pinaghahanap pa rin ang kapatid ng huli na si Randy Cristobal, nasa wastong edad, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni P/SSgt. Joel Mendoza ng Carmona Police Station, dakong alas-10:00, kamakalawa ng umaga, nang puntahan ni Rolly, na armado ng isang jungle bolo, ang biktima sa bahay nito upang komprontahin.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Junifer at Rolly hanggang sa nagtagaan ang dalawa gamit ang jungle bolo.

Sumunod naman ang kapatid nito na si Randy na may hawak din umanong jungle bolo at hinintay na lumabas ang biktima saka nito pinagtataga na nagresulta sa agarang kamatayan ng huli.

May tama ng jungle bolo sa katawan si Rolly at tinulungan ng kapatid na tumakas. Nabatid na dinala sa isang ospital sa Trece Martires City si Rolly pero inilipat sa isang ospital sa Biñan City kung saan doon nalagutan ng hininga.

Ayon kay Mendoza, matagal na umanong may alitan ang magkapitbahay bagama’t tikom ang bibig ng mga kamag-anak ng biktima at mga suspek sa dahilan nitong alitan. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.