Abante Tonite Interactive

Magkasosyong negosyante niratrat ng selosong lover

By
2,293

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang biyudong negos­yante habang malubha namang nasugatan ang 40-anyos na ginang makaraang pagbabarilin sila ng nagselos na live-in partner ng huli sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City noong Biyernes nang hapon.

Sa naantalang ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, namatay noon din dahil sa maraming tama ng bala sa katawan ang biyudong si Jeffrey Antonio Samillano, 43-anyos at residente ng Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Malubha namang nasugatan si Rosemarie Treyes Marin, 40-anyos, negosyante rin at naninirahan sa Southville, Brgy. San Isidro, Rodriguez Rizal. Nilalapatan ito ng lunas sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang binti.

Nakatakas ang live-in partner ni Marin na nakilalang si Quirino Guitan Laydan, 31-anyos, security guard at residente ng Luzon Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City.

Nangyari ang pamamaril sa Rose and JS Plant Trading Ornamentals and Bonsai and Landscaping sa loob ng Quezon Memorial Circle habang nag-uusap ang dalawang biktima na magkasosyo umano sa negosyong pagbebenta ng mga bonsai at landscaping noon pang 2013.

Kasalukuyan pang tinutugis ng mga ope­ratiba ng pulisya ang nakatakas na suspek.