Abante Tonite Interactive

Maglilipat ng tirahan: Mag-anak, 10 pa inararo ng bus

354

Apat ang patay kabilang ang tatlong magkakapamilya habang 10 pa ang sugatan sa salpukan ng pampasaherong bus at van sa Maharlika highway, Lopez, Quezon Huwebes nang maghahatinggabi.

Ayon sa Lopez police, nagkasalpukan ang Hiace van na sinasakyan ng 14 na biktima at ang kasalubong nito na P&O bus sa Brgy. Malay alas-11:55 nang gabi.

Galing sa Laoang, Northern­ Samar ang van sakay ang pamil­ya ng biktima na magli­lipat sana ng tirahan sa probinsya ng Bataan.

Nasawi ang padre de pamil­ya na si Raymundo Giray Acebuche, 56-anyos, ang misis na si Maryjoy Claire Tria Acebuche, 48; anak na si Racquel, 20 at ang driver ng van na si Paterno Laso Carnate Jr, 47.

Idineklarang patay ang apat matapos isugod sa Magsaysay Memorial Hospital.
Kabilang naman sa 10 nasugatan ang dalawa pang anak na sina Rafael, 20 at si Roselyn na naka-confine at ginagamot pa rin sa MMH.

Wala namang nasugatan sa mga pasahero ng bus samantalang naaresto ang driver nito na si Marlon Ricon na ngayon ay nasa kostudiya ng Lopez police.

Sa report, kapwa umano ga­ling sa pag-overtake ang dalawang sasakyan subalit hindi agad nakabalik sa kanyang linya ang van matapos nitong lumagpas sa sinusundang sasakyan kaya nagkasalpukan.

Kahapon ay naglabas ng preventive suspension ang Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board at ipinatigil muna ang pagbiyahe ng mga bus ng P&O Transportation habang nagsasagawa ng im­bestigasyon. (Ronilo Dagos)