Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magna Carta sa mga tricycle driver umusad

0 46

Inaprubahan ng House Committee on Transportation ngayong Miyerkoles ang substitute bill ng mga panukala para sa pagkakaroon ng Magna Carta ng mga tricycle driver at operator.

Inaprubahan ng chairperson ng komite na si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento ang substitute bill matapos na walang tumutol sa mosyon kaugnay nito.

Sinabi ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, sponsor ng substitute bill, na layunin ng panukala na pangalagaan ang karapatan ng mga nasa tricycle sector.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng pare-parehong requirement para sa pagkuha ng prangkisa ng tricycle sa mga lokal na pamahalaan. Magtatayo rin ng one-stop shop sa bawat LGU upang maging mabilis ang pagproseso nito.

Itatakda rin ang technical requirement ng mga tricycle unit na papayagang ipasada.

Gagawin ding mandatory ang membership ng mga trike driver at trike ope­rator sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.