Abante Tonite Interactive

Magpagawa ng contract to sell

654

Hi Atty. Claire, 

Good morning!

May itatanong lang po ako. 

May hinuhulugan po kasi akong lupa sa Binangonan area pina-Survey na po ‘yun ng may-ari, ang halaga po ng lupa ay P150,000. Ang nahuhulog ko na po ay P50,000 pero wala po kaming kasulatan. Sa tuwing nagbibigay ako ng bayad may acknowledgement receipt po akong pinapipirmahan sa tumatanggap. 

Ano po ang dapat na contract para dito na panghahawakan ko? Ano po ang dapat kung gawin? 

Maraming salamat po. Sana po ay matulu­ngan niyo po ako.

Regards,
Ariane

Ms. Ariane,

Ang sobra mong pagtitiwala ay medyo nakakabahala dahil baka mauwi sa wala’t wala iyong pinaghihirapan. 

Unang-una mong gawin ay alamin mo kung ang kausap mo na nagbebenta sa iyong lupa ay tunay na may-ari nito. Hanapin sa may-ari ang original na titulo ng lupa upang malaman mo kung tunay o peke ba ang ti­tulo. Magpasama  ka sa may-ari o representative Nina sa Register of Deeds at ipakumpara ang hawak nilang titulo…. humingi ng certified true copy ng titulo upang malaman mo kung may problema ba ang titulo o wala, tulad halimbawa kung ito ay nakasangla ba o kaya ay may ibang humahabol.  

Kung walang titulo ang lupa at rights lamang na makaokupa ang ibebenta sa iyo ay mahirap na ituloy mo pa ang transaksyon dahil hindi ka makakapagpatitulo ng lupa.   Kaya’t alamin muna ang tunay na sitwas­yon ng lupa.

Kung halimbawa naman ay may titulo ng lupa naman ang may-ari at legal ang mga papel na hawak nila ay magpagawa ka na ng Contract to Sell na pirmado ng may-ari ng lupa dahil ito ay patunay na ikaw ang bibili at hindi na dapat na ibenta pa ito sa iba hangga’t may bisa ang inyong kontrata. Huwag pumayag na pumipirma lamang  ang tumatanggap ng pera dahil hindi ito sapat na mapatuna­yan ang planong bilihan maliban lamang kung malinaw sa pinipirmahan na ito ay bayad para sa lupa kung saan puwedeng gamiting ebidensya kung magkakaroon man kayo ng ka­suhan.

Marami kasi ang naloloko sa ganyan na nagpapatanggap na may-ari ng lupa ngunit sa gobyerno pala ito at ang binebenta lamang ay ang rights to occupy the land na hindi kailanman magkakaroon ng titulo hangga’t ito ay nasa kamay pa ng gobyerno.

Kung may kata­nungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0425 o mag email sa attorneyclaire@ gmail.com