Abante Tonite Interactive

Magpapagod lang sa FIBA: Gilas matatalo sa Italy — Duterte

727

‘Di pa man nagsisimula ang 18th FIBA World Cup 2019 na gagawin sa China, hinulaan na agad ni Pangulong Rodrigo Duterte  na matatalo ang Gilas Pilipinas labann sa Italy.

Sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga bagong opisyal ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa Malacanang Palace sa San Miguel, Maynila Martes ng gabi, siniwalat ng Presidente na manonood siya ng World Cup series sa China sa Aug. 15-Sept. 15.

Matataon aniya ito sa kanyang gagawing pagbisita sa China kaya sasamantalahin na ang pagkakataon para makapanood ng laro ng national men’s basketball.

Gayunman, pabirong sinabi ng Punong Ehekutibo na malalaki ang mga Italyano kumpara sa mga Pilipino kaya walang laban.

Pero may tsansa aniyang manalo ang Gilas sa Angola.

“May basketball ngayon eh. World FIBA. Ang problema ang unang kalaban natin Italy, wala. Talo tayo, walang laban, China na lang tayo magpusta. Wala, ay sus pakorni talaga tayo. We will lose dito sa Italian. Ang lalaki kaya ng mga gagong ‘yan. Ang sunod natin Angola, ah eto puwede nating libing ng buhay,” anang Pangulo.

Hinirit pa ni Pres. Digong na sasamahan siya ng Chinese Vice-President para manood ng FIBA games, na ‘di kayang gawin ng Amerika sa kanya.

“Samahan ako ng Vice-President ng China doon sa basketball. Biro mo, it’s a break in protocol siya mismo ang mag-ano. Bakit man ako makipag-away ‘yan sa… mag-escort kaya ang Vice President ng Amerika kapag ako pumunta doon?” wakas ng Pangulo. (Aileen Taliping)