Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magparehistro para makaboto

0 73

Excited nang bumoto ang disi-ocho anyos na si Anne. Ang problema, hindi pa siya nakakapagparehistro dahil naging abala sa kanyang online classes. Ngayon namang ready na sana siya sa online registration, sarado naman ang Comelec office sa kanilang bayan dahil nasa ilalim ito ng MECQ o modified enhanced community quarantine.

Sa latest count ng Commission on Elections, umabot na sa mahigit 61 million ang registered voters na puwedeng makaboto sa May 2022 Elections. Nahigitan pa raw nito ang unang target ng Comelec na 59 million, ayon mismo kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Pero tila hindi kuntento rito ang maraming grupo gaya ng mga militanteng kabataan na nananawagang i-extend hanggang Enero ang Voters’ Registration. Para sa mga lider ng Akbayan Youth, First Time Voters’ Network at Center for Youth Advocacy and Networking, nasayang lang ang walong (8) buwan ng Voters’ Registration dahil sa ipinatutupad na community lockdown.

Sarado pa rin ang mga sangay ng Comelec sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ gaya ng Metro Manila at ilang katabing probinsya kabilang ang Laguna at Cavite. Hanggang September 7 pa iiral ang MECQ sa maraming lugar sa bansa. Ibig sabihin, tigil pa rin ang Voters’ Registration sa mga lugar na ito.

Para sa mga youth leader, kailangang ideklara ng IATF na essential activity ang Voters’ Registration para maisama ito sa mga aktibidad na pinahihintulutan ng pamahalaan kahit pa nasa MECQ ang isang lugar. Nananawagan din sila sa Comelec na magpuwesto ng dagdag na satellite offices para mas mapabilis ang pagpaparehistro.

Hindi lang mga kabataan ang may panawagang gaya nito. Si dating Comelec Commissioner Atty. Gregorio Larrazabal, pareho rin ang panawagan sa gobyerno. Ayon sa kanya, bukas na ang mga bangko, supermarkets at retails stores sa mga lugar na nasa MECQ, kaya dapat lang ding pahintulutan na ang mga tao na makapagparehistro sa mga probinsya at lungsod na nasa MECQ.

Nauna nang sinabi ng Comelec na wala ng extension ang Voters’ Registration. Sapat na anila ang walong (8) buwan na palugit para sa mga gustong magparehistro. Pinalawig naman ng komisyon ang operating hours ng Comelec offices. Mula 8am haggang 7pm bukas ang lahat ng sangay ng Comelec – Lunes hanggang Biyernes. Bukas na rin tuwing Sabado at mga special holiday, mula 8am hanggang 5pm.

Wait and see mode din ang lahat sa magiging kampanya ngayong election season. Dahil bawal ang mass gatherings, paano kaya ang magiging atake ng mga kandidato para makuha ang matamis na ‘OO’ ng mga botante? ‘Yan ang dapat nating abangan sa mga susunod na araw.

Leave A Reply

Your email address will not be published.