Abante Tonite Interactive

Magpinsang naglalaro ng Mobile Legends tigok sa kidlat

417

Nasawi ang dalawang binatang magpinsan matapos tamaan ng kidlat habang naglalaro ng online game na Mobile Legends sa bulu-bunduking bahagi ng Brgy. Patag Ilaya, Sta. Elena, Camarines Norte.

Dead on-the-spot matapos masunog ang mga katawan ng mga biktimang nakilalang sina Jimboy Laura at Jericho Laura, parehong 18-anyos at residente ng nasabing barangay.

Base sa ulat ng Sta. Elena Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-4:30 nang hapon kamakalawa.

Sa salaysay ng isa sa magulang ng biktima, nagpaalam umano sa kanya ang magpinsan na maghahanap ng lugar kung saan malakas ang signal para sa paglalaro ng Mobile Legends.

Makalipas ang ilang minuto ay dumilim ang kalangitan at sumama ang panahon kung saan nagkaroon ng matatalim na kidlat sa lugar dahilan upang tamaan ang mga biktima.

Natagpuan na lang ang mga bangkay ng magpinsan sa ilalim ng isang puno hindi kalayuan sa kanilang bahay. Sunog ang parte ng katawan ng dalawang binata na tinamaan ng kidlat habang nagkapira-piraso naman ang kanilang cellphone na nagkalat sa lupa.

Samantala, payo naman ng pulisya na huwag gumamit ng cellphone kapag kumikidlat dahil kadalasan ay nakaka-attract ito ng kidlat.

Bukod sa paggamit ng cellphone ay iwasan din ang mga open o malawak na lugar katulad ng bukid dahil ito rin ang paboritong tamaan ng kidlat gayundin ang pagsusuot ng mga silver na alahas. (Edwin Balasa)