Abante Tonite Interactive

Magsasaka dinukot, tinodas ng NPA sa Sorsogon

By
366

Patay ang isang 36-anyos na lalaki makaraang dukutin sa kanilang bahay at patayin ng tatlong pinaniniwalaang miyembro ng grupong New People’s Army (NPA) kamakalawa ng hapon sa bayan ng Magallanes, Sorsogon.

Kinilala ang pinaslang na biktima na si Ruel Martinez, magsasaka, residente ng Sitio Suwa, Barangay Caditaan ng nabatid na bayan, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Magallanes Municipal Police Station (MPS) na isinumite kay Sr. Supt. Marlon Tejada, provincial director ng Sorsogon Police Provincial Office, dakong alas-dos ng hapon nang dukutin ng tatlong pinaniniwalaang armadong NPA ang biktima sa kanilang bahay.

Dinala ng mga suspek ang biktima sa Sitio Suwa ng nabatid na barangay at doon ito binistay ng bala ng mga ito at iniwan na lang ang bangkay nito sa lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posible umanong pinaghihinalaan ng mga NPA na tiktik o espiya ng mga awtoridad ang biktima dahilan upang patayin nila ito.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente gayundin ang manhunt operation para sa posibleng pagdakip sa mga suspek.