Abante Tonite Interactive

Magsasaka ginapos muna bago niratrat

421

Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang magsasaka na nanghuhuli lang ng baboy-ramo sa kamay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos itong itali at pagbabarilin makaraang pagbintangang asset ng militar Lunes ng gabi sa bayan ng Kitcharo, Agusan Del Norte.

Kinilala ang biktimang si Roy Olmo Biyog, 23, taga-Camp Eduard Alegria, Surigao Del Norte na iginapos muna bago tinadtad ng bala ng umano’y mga rebelde.

Sa ulat ng Agusan Del Norte Police Provincial Office (PPO) sa Camp Crame kahapon, naganap ang insidente alas-sais ng gabi sa mabundok na bahagi ng Kabanikagan, Brgy. Hinimbangan, Kitcharao.

Nanghuhuli ng baboy-ramo ang biktima kasama ang isa pang kaibigan nang masalubong ang limang armadong lalaki, isa ay nakilalang si Roy Forteza Samonte alyas Dark, kilalang miyembro ng NPA sa lugar.

Kinuha ng mga ito si Biyog at agad tinalian dahil asset umano ito ng militar. Suwerte namang nakatakbo ang kasamahan ng biktima.

Makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na ng sunod-sunod na putok ng baril.

Pagbalik ng nakatakas na biktima kasama ang rumespondeng pulisya ay natagpuang bangkay na si Biyog na nakatali ang mga kamay at may mga tama ng bala sa katawan. (Edwin Balasa)