Abante Tonite Interactive

Magsasaka, mangingisdang bakwit bigyan ng window hour — DA

197

Hiniling ng Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong probinsya sa pagputok ng Bulkang Taal na bigyan ng window hour ang mga magsasaka at mangingisda para pansamantalang makabalik sa kanilang mga lugar.

Ayon kay Agriculture spokesperson at Assistant Secretary Noel Reyes, makikipag-usap sila sa mga lokal na pamahalaan at hihilingin nilang payagan ang mga magsasaka at mangingis­da na pansamantalang mabisita ang kanilang mga lupain upang maasikaso ang mga alagang hayop na naiwan sa bahay ng mga nagsilikas.

“Para lang alagaan, magbigay ng pagkain para sa kanilang mga hayop na ayaw nilang ilikas. Ganun din sa Taal Lake na makapag-harvest ng tilapia. Sana mabigyan sila ng window, makabalik, makapag-alaga,” ani Reyes.

“Nag-ease down naman ng konti yung lockdown ngayon. Sana naman itong pagbaba ng alert level from 4 to 3. At yung danger zone from 14 km to 7, mabigyan sila ng pagkakataong makabalik, kahit ilang oras lamang,” giit ng kalihim. (Dolly Cabreza)