Abante Tonite Interactive

Magsilbing aral

108

Nagbayad na ng multang P190 milyon sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) ang Uber TNVS upang makapag-operate na.

Nagtungo ang mga kinatawan ng Uber sa tanggapan ng LTFRB upang magbayad ng multa na nakatseke.

Nauna rito ay ipinataw ng LTFRB ang isang buwang suspensyon sa Uber noong Agosto 14 dahil sa iba’t ibang paglabag kaya’t pinagmulta ng nasabing halaga.

Dati na ring pinagmulta ng P5 milyon ng LTFRB ang Uber ­dahil sa iba pang paglabag noong Hulyo.

Ibig sabihin ay makailang beses nang naparusahan ang Uber dahil sa kanilang mga paglabag at sana ay magsilbing leksyon na sa kanila ang pangyayaring ito upang ayusin na ang dapat ayusin para hindi nabubulilyaso ang operasyon.

Hindi dapat nila abutin ang ganyang parusa kung lumalagay lamang sila sa tama.

Pero ang aming panawagan sa LTFRB, maging patas naman kayo sa pagpataw ng parusa sa mga lumalabag na transport group.

Napakaraming lumalabag pero nakakalungkot na hindi lahat naaksyunan. Hindi lahat napaparusahan.

Sa ganang amin, ipatupad sa lahat ng patas ang batas upang sa gayon ay napatino ang lahat ng nasa transport sector. Hindi iyong may pinipiling kastiguhin.

Umaasa tayong katulad ng pagbibigay leksyon ng LTFRB sa Uber ay gawin din ito sa iba’t ibang uri ng transport group na walang takot sa pag-o-operate kahit walang kaukulang permiso o lisensya.

Kapag nagawa ito ng LTFRB tiyak na giginhawa ang transport sector at ang publiko ang makikinabang sa bandang huli.

Kaya ang ating panawagan sa LTFRB, kagyat na aksyunan ang lahat ng ipinararating na reklamo sa tanggapan, hindi lang iyong maiingay na isyu gaya ng sinapit ng Uber.